
Malugod na tinanggap ng Department of Budget and Management (DBM) ang direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na itaas ang base pay at subsistence allowance ng mga military at uniformed personnel.
Noong 03 December 2025, naglabas ang Pangulo ng Executive Order (EO) No. 107, na naglalahad ng updated base pay schedule para sa lahat ng MUP. Ipatutupad ito sa tatlong yugto.
“We commend President Bongbong Marcos for approving the increase in salary and subsistence allowance for our military and uniformed personnel, who dedicate their lives to safeguarding the nation. Rest assured that the DBM shall exert all efforts to support the EO’s immediate implementation which is set to take effect beginning January 1, 2026,” ayon kay DBM Acting Secretary Rolando “Rolly” U. Toledo.
Ayon sa EO, magsisimula ang unang tranche ng salary increase sa January 1, 2026; ang ikalawa sa January 1, 2027; at ang ikatlo, na siyang final tranche, sa January 1, 2028.
Sasaklawin ng updated base pay schedule ang lahat ng military personnel sa ilalim ng Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Corrections (BuCor), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).
*Subsistence allowance hike*
Itataas naman ang arawang subsistence allowance ng lahat ng uniformed personnel sa P350 mula sa kasalukuyang P150, simula January 1, 2026. Kasama rito ang mga miyembro ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, PCG, BuCor, at NAMRIA.
Binibigyang-diin din sa EO No. 107 ang nauna nang P200 increase sa subsistence allowance ng lahat ng military personnel na umiiral na simula January 1, 2025. Ang pondo para rito ay nakasaad sa Executive Order No. 84, na nilagdaan ng Pangulo noong 14 March 2025.
Ang kinakailangang budget para sa pagpapatupad ng dagdag na base pay at subsistence allowance ay kukunin mula sa mga available appropriations sa ilalim ng FY 2026 General Appropriations Act at iba pang available appropriations, basta’t sumusunod sa umiiral na budgeting, accounting, at auditing rules and regulations.
Bukod dito, inatasan ng EO No. 107 ang pagbuo ng isang Inter-Agency Technical Working Group (IATWG) na magsasagawa ng komprehensibong pag-review ng MUP Pension System. Binubuo ang IATWG ng mga kinatawan mula sa DBM, Department of Finance, Bureau of the Treasury, at Government Service Insurance System.
Inaasahang maglalabas ang DBM ng mga kinakailangang guidelines para ipatupad ang mga probisyon ng EO 107 sa loob ng 90 araw mula nang maging epektibo ito. [END]











