Kinontra ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang panukalang muling buhayin ang e-sabong para mapalitan ang mawawalang kita dahil sa tuluyang pagba-ban ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
“Hindi ko po alam kung magkano ang revenue impact nun pero it’s definitely not included here. So, I don’t think it’s necessary for next year,” saad ni Pangandaman sa isang media forum.
Ayon kay DBM Secretary Pangandaman, may kabuuan lamang na P7 bilyon na kita ang posibleng mawala sa pagsasara ng POGOs sa bansa batay sa pag-aaral ng Department of Finance (DOF) at National Economic and Development Authority (NEDA).
Giit pa ni Pangandaman, sa pamamagitan ng government efficiency at tax collection ay kayang mabuno ang mawawalang kita.
“We are consistently on track with that. Pababa po ng pababa ang ating deficit. Meaning, tumataas ang revenues, lumalaki ang ekonomiya,” pagtitiyak ni Pangandaman.
Bahagi ito ng isinusulong ng pamahalaan na mapababa ang budget deficit sa 3.7% sa pagtatapos ng termino ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binigyang-diin pa ni Pangandaman na ang kabuuang kalagayan ng Philippine economy ay maituturing bilang “good.”
Matatandaan noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ipinasara ang e-sabong dahil sa “social impact” nito sa mga Pilipino at dahil hindi pa rin nalulutas ang pagkawala ng ilang mga sabungero sa bansa.
Sa ngayon, nasa 789 E-sabong ang aktibo pa rin sa kabila ng pagbabawal sa operasyon nito ayon sa PAGCOR. -VC