IBCTV13
www.ibctv13.com

DBM, naglaan ng higit P27-B para sa performance bonus ng mga kawani ng gobyerno sa huling bahagi ng 2026

85
Views

[post_view_count]

Workers and personnel of the Office of the President. (File photo of PCO)

Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng tinatayang P27.2 bilyon para sa pagbabayad ng Performance-Based Bonus (PBB) ng mga kwalipikadong kawani ng pamahalaan sa huling quarter ng 2026.

Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon, kukunin ang pondo mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF), na may natitirang balanse na P53.2 bilyon as of September 30, 2026.

Inilahad ni De Leon ang naturang halaga sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang 2027 national budget ngayong Huwebes, Oktubre 22.

Bukod sa PBB, inaasahang maglalabas din ang DBM ng karagdagang P12.86 bilyon sa ikaapat na quarter ng taon upang tugunan ang kakulangan sa pondo para sa personnel services.

Kasunod ito ng pagproseso ng mga ahensya ng pamahalaan sa PBB para sa fiscal year 2024, matapos aprubahan ng Office of the President ang pagbabayad nito noong Hulyo.

Nauna nang inanunsyo ng DBM na maaaring matanggap ng mga kwalipikadong kawani ang kanilang bonus mula Oktubre hanggang Disyembre, depende sa resulta ng pagsusuri sa performance ng kani-kanilang ahensya at sa pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.

Nangako rin ang DBM na bibilisan ang pagproseso ng PBB para sa mga kwalipikadong guro sa pampublikong paaralan at iba pang kawani ng pamahalaan sa sandaling maisumite ng Department of Education ang mga kinakailangang dokumento para sa kanilang kwalipikasyon.

Samantala, P55.87 bilyon ang kabuuang pondong inilaan para sa MPBF sa susunod na taon.

Gagamitin ang pondo para sa mga susunod na performance bonus, pagpuno sa mga bakanteng posisyon, at iba pang benepisyo ng mga kawani ng pamahalaan.- VC