
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas palakasin ang suporta sa ating mga guro, naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang P7.372 bilyon upang matustusan nang buo ang natitirang CASH requirement para sa FY 2025 Service Recognition Incentive (SRI) ng mga kuwalipikadong guro at non-teaching personnel sa buong bansa.
Sa paglabas ng karagdagang pondo, masisiguro na ang buo at kumpletong pagbabayad ng SRI—isang benepisyong matagal nang hinihintay ng mga guro at kawani ng paaralan na patuloy na nagsisilbi sa harap ng edukasyon at sa pagtatayo ng matatag na bansa.
Inaprubahan ni DBM Secretary Rolando U. Toledo ang paglalabas ng kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) noong 27 Enero 2026, bilang patunay ng matibay na paninindigan ng administrasyon ni Pangulong Marcos na kilalanin ang sakripisyo, dedikasyon, at walang sawang serbisyo ng mga manggagawa sa sektor ng edukasyon.
“Alam po natin na ang SRI na ito ay hindi lang basta benepisyo. Para sa ating mga guro at non-teaching staff, ito ay simbolo ng pasasalamat ng pamahalaan sa mga oras na inilaan ninyo, sa pagod na tiniis ninyo, at sa pusong ibinuhos ninyo sa pagtuturo at pag-aaruga sa ating mga kabataan,” ani Secretary Toledo.
Binigyang-diin din niya na ang paglalabas ng pondo ay direktang tugon sa malinaw na utos ng Pangulo na maramdaman mismo ng mga guro ang suporta ng pamahalaan.
“Mahigpit na bilin ni Pangulong Bongbong Marcos na siguraduhing hindi nakakalimutan ang ating mga guro—dahil walang matibay na bansa kung walang inaalagaang guro. Kaya ginawa po namin ang lahat para masigurong may pondo at maibigay ito nang buo,” dagdag pa ni Toledo.
Dahil sa dami ng mga benepisyaryong saklaw sa buong bansa at sa malaking agarang CASH requirement, una munang ipinatupad ng Department of Education (DepEd) ang phased payment ng SRI. Sa pag-apruba ng karagdagang CASH allocation, maaari nang bayaran ang natitirang balanse upang matanggap ng mga kuwalipikadong benepisyaryo ang buong halaga ng kanilang SRI.
Sa kabuuang P7.372 bilyong karagdagang CASH allocation, P6.617 bilyon ang inilabas para sa DepEd Central Office, habang P754.238 milyon naman ang ilalabas direkta sa mga Regional Office Proper at Schools Division Offices at/o implementing units upang masigurong mabilis at maayos ang pamamahagi ng benepisyo.
Matatandaan na noong 11 Disyembre 2025, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang Administrative Order (AO) No. 40 na nagbibigay ng pahintulot sa pagkakaloob ng one-time Service Recognition Incentive sa lahat ng kuwalipikadong kawani ng gobyerno para sa FY 2025, mula sa savings ng mga ahensya sa personnel services at maintenance and other operating expenses sa ilalim ng GAA 2025.
Sa ilalim ng AO No. 40, ang FY 2025 SRI ay ipagkakaloob sa iisang halaga na hindi lalagpas sa P20,000, kabilang ang mga kuwalipikadong guro at non-teaching personnel, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng administrasyon na mapabuti ang kalagayan ng mga kawani ng gobyerno at kilalanin ang mahalagang ambag nila sa serbisyo publiko. | DBM











