IBCTV13
www.ibctv13.com

DBM, naglabas ng P1-B para palakasin ang AI-powered flood forecasting ng Project NOAH

35
Views

[post_view_count]

Aerial photo showed the extent of flooding in parts of Pampanga as President Ferdinand R. Marcos Jr. inspected affected communities today, August 24. (Photo courtesy of PCO)

Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P1 bilyon para sa University of the Philippines (UP) System para palakasin ang artificial intelligence (AI)-powered flood forecasting, real-time hazard monitoring at disaster prevention capabilities ng Project NOAH.

Ang pondo ay gagamitin sa pagpapahusay ng kakayahan ng pamahalaan na matukoy nang mas maaga ang mga banta ng baha at iba pang sakuna upang makakilos bago pa magkaroon ng malawakang pinsala.

“Hindi natin kailangang hintayin na tumaas ang tubig bago tayo kumilos. The goal is to know where the danger is, who is at risk, and what needs to be done before disaster strikes,” ayon kay DBM Secretary Kim Robert De Leon.

Sa kabuuang P1 bilyon, P935 milyon ang ilalaan para sa research services, habang P65 milyon ang para sa pamamahala at pangangasiwa ng Project NOAH.

Ito ay bahagi ng built-in appropriation ng UP sa ilalim ng FY 2026 General Appropriations Act.

Gagamitin ang alokasyon sa pagbili ng mga digital, technical, at scientific equipment, gayundin sa pagkuha ng mga highly specialized technical personnel at pagpapalakas ng operational support systems.

Sa ilalim ng UP Resilience Institute (UPRI), gumagamit ang Project NOAH ng AI, LiDAR mapping at data analytics upang makakuha ng mas mabilis na impormasyon tungkol sa mga posibleng baha at iba pang panganib.

Makatutulong ang impormasyong ito sa mga ahensya ng gobyerno at local government units (LGUs) para makapagbigay ng babala, makapaghanda, at makagawa ng hakbang bago at habang may sakuna.

Ayon kay De Leon, mahalaga ang disaster prevention dahil maaaring mawasak sa loob lamang ng ilang oras ng malalaking sakuna ang mga tahanan, kabuhayan, imprastraktura, at mga taon ng government investments.

“We cannot stop typhoons or heavy rains from coming, but with the right information at the right time, we can reduce their impact. That is what we want public funds to deliver—not simply resources after a disaster, but greater protection before it happens,” giit ng kalihim.

Nauna nang nakipagtulungan ang DBM sa UP NOAH para maisama ang disaster risk reduction strategies sa Digital Information for Monitoring and Evaluation (Project DIME).

Ginagamit ang Project DIME sa pagtataya ng exposure at resilience ng mga government infrastructure projects laban sa natural hazards. – VC