
Nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P27.410 bilyon bilang suporta sa kalusugan ng mga indigent Filipino o mga kababayang mahihirap at ang kita ay mas mababa sa poverty threshold na kinakailangan para sa pangunahing pangangailangan ng isang pamilya.
Ang pondo ay ilalaan para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program ng Department of Health (DOH).
Maaari itong gamitin para sa mga gastusin tulad ng bayarin sa ospital, gamot, emergency treatment, professional fees at iba pang serbisyong medikal.
Ayon kay DBM Secretary Kim Robert De Leon, layunin ng pondo na matulungan ang mga pasyente at kanilang pamilya na hindi kayang sagutin ang buong gastos sa pagpapagamot.
“This is a substantial investment, but its true value will be measured by the number of Filipinos it is able to help,” ani De Leon.
Sa kabuuang pondo, pinakamalaki ang P19.145 bilyon na ilalaan sa Centers for Health Development (CHDs).
Gagamitin ito para makapagbigay ng medical assistance sa pamamagitan ng mga pampublikong ospital ng lokal na pamahalaan, privately owned institutions, at iba pang health facilities sa buong bansa.
May P4.353 bilyon naman para sa mga ospital ng DOH sa Metro Manila at mga rehiyon sa bansa.
Samantala, P2.910 bilyon ang mapupunta sa mga specialty hospital na pag-aari o pinangangasiwaan ng gobyerno, kabilang ang Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center at Philippine Heart Center.
May P950 milyon para sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH), habang P52 milyon ang para sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers.
Ayon sa DBM, malaking bahagi ng pondo ang inilaan sa CHDs upang mas mailapit ang tulong sa mga pasyente, lalo na sa mga nasa probinsya.
“Whether a patient is in Metro Manila or in the provinces, government assistance should be within reach,” ayon kay De Leon.
Kasama rin sa pondo ang pagpapatupad ng eMAIFIP sa pamamagitan ng eGovPH superapp, na layong gawing mas madali ang pagkuha ng medical assistance gamit ang digital platform.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni De Leon na hindi dapat maging dagdag na problema sa mga pamilyang may sakit ang proseso ng paghingi ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot.
“With eMAIFIP, we are supporting a system that is more accessible, more efficient, and more responsive to the people who need it,” ani kalihim. – VC











