
Nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng kabuuang P9.753 bilyon para sa Commission on Higher Education (CHED) upang tugunan ang kakulangan sa pondo para sa implementasyon ng Free Higher Education (FHE) Program sa 108 state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa.
Sakop ng pondo ang mga gastusing naipon ng mga SUC noong Academic Years 2022-2023, 2023-2024, at 2024-2025 kaugnay ng pagpapatupad ng libreng tuition at iba pang school fees sa ilalim ng FHE Program.
Ayon sa DBM, ang CHED, sa pamamagitan ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST), ang mangunguna sa pagpapalabas ng kaukulang pondo sa mga benepisyaryong SUC alinsunod sa umiiral na mga alituntunin.
Sinabi ni DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon na bahagi ito ng patuloy na pagbibigay-prayoridad ng pamahalaan sa edukasyon habang isinasaalang-alang ang limitadong resources ng gobyerno.
“With this release, we are making nearly P10 billion available to address funding requirements of our state universities and colleges while maintaining that careful fiscal balance,” ani De Leon.
Ang mahigit P9-B na pondo ay makatutulong upang mabayaran ang mga gastusing una nang sinalo ng mga SUC gamit ang kanilang institutional resources.
Dahil dito, inaasahang mababawasan ang financial pressure sa mga pampublikong pamantasan at kolehiyo at magkakaroon sila ng mas malaking fiscal space para sa iba pang pangangailangan.
Kabilang sa maaaring suportahan ng mga SUC ang pagpapalakas ng academic at research programs, student services, laboratories, libraries, information technology resources, at learning facilities.
Ilalaan din ang pondo para sa medical, dental, guidance, athletic, at cultural services, gayundin sa rehabilitasyon, pagpapahusay, at pagpapalawak ng mga pasilidad ng mga paaralan.
Ang pondo ay inilabas ng DBM sa CHED at maaaring singilin sa built-in appropriations ng ahensya sa ilalim ng FY 2026 General Appropriations Act at sa Special Account in the General Fund–Higher Education Development Fund (SAGF-HEDF).
Ayon sa DBM, layunin ng karagdagang pondo na matiyak na ang kakulangan sa financing ng FHE Program ay hindi magiging labis na pasanin sa operasyon at iba pang pangangailangan ng mga SUC, habang patuloy na napalalawak ang access ng mga Pilipino sa tertiary education.
“The President’s direction is clear: education remains a priority. When resources are available, the legal basis is clear, and the requirements are complete, DBM will act with urgency so that funding translates into actual services and opportunities for our people,” giit ni De Leon. – VC











