
Naglabas ng babala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga komunidad sa Occidental Mindoro at Palawan dahil sa posibilidad ng pagbagsak ng debris mula sa Long March 7 rocket ng China.
Kasunod ito ng nakatakdang paglulunsad nito mula Hainan sa pagitan ng 2:00 a.m. – 6:00 a.m. mula Hulyo 15 hanggang Hulyo 17.
Batay sa memorandum ng Office of Civil Defense, maaaring bumagsak ang mga bahagi ng rocket sa ilang bahagi ng Philippine Maritime Zone kabilang ang Bajo de Masinloc, Cabra Island sa Occidental Mindoro, Recto Bank, at Busuanga sa Palawan.
Bilang pag-iingat, inatasan ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Environment and Natural Resources – National Mapping and Resource Information Authority (DENR-NAMRIA) na magpatupad ng pansamantalang maritime restrictions at maglabas ng Notice to Mariners upang maiwasan ang posibleng panganib sa mga mangingisda at mandaragat.
Samantala, hinikayat ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang publiko na huwag lalapitan o pupulutin ang anumang bahagi ng rocket debris, sakaling mapadpad ito sa baybayin, dahil sa nilalaman na mapanganib na kemikal. – VC