
Humiling ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga residente, negosyo, at mga lokal na pamahalaan na magtipid sa tubig sa gitna ng umiiral nang El Niño sa Pilipinas na maaaring magdulot ng mas pinahabang tuyong panahon.
Batay sa inilabas na Water Conservation Advisory ng ahensya, layunin nitong mapanatili ang sapat na suplay ng tubig para sa inumin, mga ospital, at iba pang mahahalagang serbisyo habang inaayos ng mga water utility ang mga sirang linya at tumutulong sa mga pinakaapektadong komunidad.
“Early action now will help protect our supply for drinking, health care and essential services,” ayon kay DENR Secretary Juan Miguel Cuna.
Inilabas ang abiso sa pakikipagtulungan ng Water Resources Management Office (WRMO) at National Water Resources Board (NWRB).
Hinimok din ng DENR ang mga kabahayan na paiklin ang oras ng pagligo, isara ang gripo habang nagsisipilyo, agad na ayusin ang mga tagas, at gamitin muli ang tubig para sa paglilinis kung ligtas itong gawin.
Samantala, maglalabas naman ang mga lokal na pamahalaan ng iskedyul ng water truck deliveries at refill stations sa mga lugar na higit na nangangailangan ng tubig.
Nangako rin ang mga opisyal na magbibigay ng lingguhang ulat ukol sa antas ng tubig sa mga reservoir, kasabay ng paghihikayat sa water agencies at lokal na pamahalaan na magsumite ng regular na ulat sa WRMO bilang bahagi ng national monitoring.
Bukod sa pagtitipid, inanunsyo rin ng gobyerno ang pinabilis na pagproseso ng mga permit para sa pagkukumpuni ng mga pasilidad, inatasan ang mga may negosyo na magsumite ng mga plano sa konserbasyon ng tubig, at hinikayat ang pag-iipon ng ulan para sa “nonpotable uses.”
Naniniwala ang DENR na ang maliliit ngunit tuloy-tuloy na hakbang ng bawat mamamayan ay makatutulong upang mabawasan ang pressure sa sistema ng tubig at mapangalagaan ang kalusugan ng publiko. – MP











