IBCTV13
www.ibctv13.com

DepEd at 16 ahensya ng gobyerno, kapit-bisig na para sa ligtas na balik-eskwela sa Hunyo 8

Kristel Isidro
124
Views

[post_view_count]

Photo courtesy of PNA

Puspusan na ang paghahanda ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa ligtas at maayos na pagbubukas ng klase sa Hunyo 8, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kahandaan ng sektor ng edukasyon.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang 16 na ahensya ng gobyerno at mga pangunahing utility provider sa Department of Education (DepEd) bilang bahagi ng National Oplan Balik Eskwela (OBE) 2026 na isasagawa mula Hunyo 1-11.

Layunin ng programa na matiyak ang maayos na enrollment ng mga mag-aaral, mapabilis ang pagtugon sa mga suliranin, at mapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor.

Aktibong magpapatupad ng mga hakbang sa seguridad, kalusugan, at pamamahala ng trapiko ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Department of Health (DOH), at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Tututukan naman ng Department of Transportation (DOTr) ang daloy ng mga pasahero sa himpapawid, lupa, at karagatan, at palalakasin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) ang mga serbisyo sa komunikasyon at konektibidad.

Nagpahayag din ng kahandaan ang Department of Energy (DOE), Manila Electric Company (Meralco), at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa tuloy-tuloy na suplay ng kuryente at tubig sa mga paaralan, habang paiigtingin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapatupad ng mga hakbang sa consumer protection.

Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay mananatiling nakaalerto laban sa mga posibleng panganib dulot ng masamang panahon, habang magsasagawa ng mga kinakailangang pagkukumpuni at maintenance sa imprastraktura ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ipinakikita ng mga paghahandang ito ang pagpapahalaga ng administrasyon sa sektor ng edukasyon.

“Sinisiguro natin, kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, na magiging ligtas, maayos, at walang aberya ang pagbabalik-aral ng ating mga mag-aaral,” ani Angara.

Upang mapabilis ang pagtugon sa mga katanungan, reklamo, at iba pang hinaing ng publiko, gagamitin ng Oplan Balik Eskwela Public Assistance Command Center (OBE-PACC) ang mga hotline, email, at social media platform nito.

Maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa OBE-PACC sa pamamagitan ng mga hotline na 8636-1663, 8633-1942, 8638-7529, 8638-7530, 8638-7531, 8635-9817, 8634-0222, at 8638-8641.

Maari ring magpadala ng text o tumawag sa 0919-456-0027 para sa mga Smart subscriber at sa 0995-921-8461 para sa mga Globe subscriber, o mag-email sa depedactioncenter@deped.gov.ph. – VC