Nilagdaan na ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang DepEd Order No. 13, s. 2024 na layong dagdagan ang vacation service credits (VSC) ng mga guro sa mga pampublikong paaralan mula 15 patungong 30 araw.
Layon nito na matugunan ang mga pangangailangan ng mga guro at matiyak na maayos silang nabibigyan ng compensation para sa mga karagdagang trabaho lalo na tuwing bakasyon.
Sa ilalim ng bagong guidelines ng naturang kautusan, magkakaroon ng pagkakataon ang mga guro na i-offset ang kanilang mga pagliban sa klase dahil sa sakit o personal na dahilan, o hindi naman kaya ay mabawi ang salary deductions mula sa kanilang bakasyon.
Isa rin sa mga maitutulong nito sa mga guro ay ang pagkalkula sa kanilang service credits na hindi na bahagi ng kanilang regular work hours kung saan sa kada oras ay makakakuha sila ng 1.25 VSC para sa school days. Kung sila naman ay nagtrabaho sa Pasko o summer break, weekend, o holiday, magkakaroon sila ng 1.5 hours na VSC kada oras.
Sakop din ng guidelines ang ancillary task o karagdagang ‘teaching-related duties’ ng mga guro na labas na sa kanilang regular hours tulad ng mga sumusunod:
– training sessions tuwing weekend o holiday
– remedial o enhancement classes
– election-related duties
– parent-teacher conferences
– home visits
Sa kada oras na ginugol sa nakasaad na ancillary task ay may katumbas na 1.25 hours ng VSC bukod pa sa kanilang 30-day entitlement kung sakaling hindi sila mabibigyan ng overload pay.
Ang mga gurong nakapagturo ng hindi bababa sa isang taon, pati na ang mga bagong guro na in-appoint apat na buwan mula nang mag-umpisa ang klase ay magkakaroon ng 30 araw na VSC kada taon, habang ang mga bagong guro na may issued appointment apat na buwan matapos ang pagbubukas ng klase ay bibigyan naman ng 45 araw na VSC kada taon.
Upang maaprubahan ang VCS ng mga guro, kinakailangan muna itong dumaan sa Schools Division Superintendent o anumang ‘designated authority.’ – VC