IBCTV13
www.ibctv13.com

DepEd, magsasagawa ng nationwide active-threat drill sa Agosto 25

80
Views

[post_view_count]

The Department of Education (DepEd) conducted a Pilot School Safety Drill for Active Shooting Incidents during the National Safe Schools Summit in Manila Science High School on July 15, 2026. (Photo courtesy of DepEd)

Magsasagawa ang Department of Education (DepEd) ng sabayang nationwide drill sa Agosto 25 upang masubok ang kahandaan ng mga paaralan sa pagtugon sa mga active-threat, kabilang ang insidente ng pamamaril.

Sa pagdinig sa Senado ngayong araw, Agosto 20, sinabi ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma na nakumpleto na ng ahensya, katuwang ang Philippine National Police (PNP), ang mga protocol para sa isasagawang pagsasanay matapos itong unang subukan sa Manila Science High School.

Ang drill ay layong sukatin kung gaano kabilis makakaresponde, makakalikas at makakapagtipon muli ang mga mag-aaral at school personnel habang may nagaganap na human-induced threat.

“Isa pong bagay na natutunan namin at sana ma-institutionalize na po natin is really the need for the drills,” ani Garma.

Pangunahing bahagi ng drill ang reunification stage, kung saan may itatalagang lugar para sa mga mag-aaral, magulang, medical responders at mga pulis upang maiwasan ang kaguluhan pagkatapos ng insidente.

Ayon kay Garma, isa ito sa mahahalagang aral mula sa naunang insidente ng pamamaril sa Tacloban, kung saan naging magulo ang sitwasyon dahil walang ideya ang mga mag-aaral at magulang kung saan dapat magtungo.

“Importante yung preparation and readiness and awareness ng school to react, immediately to react kung meron hong ganitong ongoing threat,” ayon kay Garma.

Giit niya, maaaring magsilbing deterrent ang pagkakaroon ng malinaw na protocol dahil malalaman ng mga posibleng salarin na may nakahandang sistema ang mga paaralan para sa pagtugon sa karahasan.

Matapos ang August 25 drill, susuriin ng DepEd kung may kakulangan at iba pang kailangang ayusin sa pagpapatupad nito, bago tuluyang maisabatas o ma-institutionalize bilang bahagi ng regular na disaster at emergency preparedness program ng mga paaralan. – VC