
Ipinatupad ng Department of Education (DepEd) ang bagong patakaran na nagbibigay ng hanggang limang araw na wellness leave kada taon para sa lahat ng guro at kawani nito, bilang bahagi ng adbokasiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong ang mas maayos na kalagayan sa trabaho at mental health sa pampublikong sektor.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang hakbang ay patunay ng malasakit ng kagawaran sa kapakanan ng mga empleyado nito mula sa central office, mga rehiyon at dibisyon, hanggang sa mga pampublikong paaralan at community learning centers.
Saklaw ng wellness leave ang lahat ng kawani anuman ang employment status — permanent, temporary, casual, contractual, coterminous, substitute, provisional — kabilang ang mga nasa ilalim ng Contract of Service (COS) at Job Order (JO), alinsunod sa mga alituntunin ng Civil Service Commission sa Memorandum Circular No. 01, s. 2026.
Maaaring gamitin ang wellness leave para sa mental health care, physical wellness activities, o simpleng pahinga upang maibsan ang pagod at stress.
Pinahihintulutan ang hanggang tatlong magkakasunod na araw ng pagliban o hiwa-hiwalay na paggamit nito sa loob ng taon, basta ay aprubado ng kinauukulan.
Bilang pagsunod sa Data Privacy Act of 2012, tiniyak ng DepEd na mananatiling kumpidensiyal ang anumang detalyeng ilalahad ng mga kawani sa kanilang aplikasyon.
Kinakailangan ang pagsusumite ng aplikasyon limang araw bago ang planong pagliban, maliban sa mga sitwasyong may emergency, habang hindi maaaring i-convert sa salapi ang hindi magagamit na wellness leave.
Sa pagpapatupad nito, umaasa ang DepEd na higit na mapapalakas ang pisikal at mental na kalagayan ng mga guro at kawani, na magreresulta sa mas epektibong paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral sa buong bansa. – VC











