IBCTV13
www.ibctv13.com

DepEd, palalakasin pa ang ARAL Program matapos ang malaking pag-unlad sa pagbasa ng mga mag-aaral noong SY 2025–2026

122
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr., together with DepEd Secretary Sonny Angara, personally visited Binuangan Elementary School in Obando, Bulacan to inspect the school’s internet connectivity, as well as learning materials used in the ARAL Program. (Photo courtesy of DepEd)

Isinusulong ngayon ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatibay sa pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program matapos makitaan ng malaking pag-unlad sa pagbasa ng mga mag-aaral noong School Year 2025-2026.

Batay sa resulta ng isang independent evaluation ng Youth Impact, katuwang ang World Bank, bumaba ng 9% ang bilang ng mga mag-aaral na nahihirapang magbasa dahil sa tulong ng ARAL.

Tinatayang katumbas ito ng 1.37 milyong karagdagang bata na nakaahon mula sa pinakamababang antas ng pagbasa.

Tumaas din ng 4.8% ang antas ng kahusayan sa pagbasa ng mga mag-aaral para sa kanilang baitang, na katumbas ng halos 730,000 karagdagang mga estudyante.

Binigyang-diin ng mga evaluator na nakita ang magandang resulta ng programa sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Upang mapalakas ang nasabing tagumpay, inirekumenda ng Youth Impact sa DepEd na palakasin pa ang ARAL Program sa tulong ng pagbibigay ng sapat at nakatuong oras sa klase para sa pagtuturo ng pagbasa.

Inirekumenda rin nito ang mas maayos na pagpapangkat sa mga mag-aaral batay sa kanilang kakayahan sa pagbasa.

Iminumungkahi rin na higit na ituon ang field monitoring sa paggabay at pagtuturo sa mga guro sa halip na sa mga gawaing pang-administratibo.

Ayon pa sa Youth Impact, mahalaga ang paggamit ng mga data system ng DepEd upang mabilis na maiparating ang tulong sa mga paaralan at lugar na nangangailangan.

“Through the continued partnership of our teachers, tutors, and local communities, we are turning policy into real, measurable opportunities for every Filipino child. We will continue to refine these interventions to ensure early gains carry through to higher grade levels,” ani DepEd Secretary Sonny Angara.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12028, itinatag ang ARAL program para tulungan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng dagdag na suporta sa pagbasa, at maging sa larangan ng matematika at agham.

Sa ilalim ng programa, tumutulong ang mga pampublikong guro, lisensyadong para-teacher, mga estudyanteng kumukuha ng kursong pang-edukasyon, at mga sinanay na tutor para sa remedial ng mga mag-aaral.

“When we passed the ARAL law, our goal was simple yet urgent: to ensure no learner is left behind simply because they needed more time or a different approach to master reading,” ayon kay Angara.MP