
Palalawakin ng Department of Education (DepEd) ang papel ng mga magulang bilang unang kasangga sa pagsugpo sa bullying at karahasan sa mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalagang magsimula sa tahanan ang pagprotekta sa mga bata dahil mas madaling mapansin ng mga magulang ang pagbabago sa kilos at pag-uugali ng kanilang mga anak.
“Hindi natin kayang solusyunan ang karahasan sa mga paaralan kung sa loob lang ng classroom tayo kumikilos. Ang tahanan ang ating unang depensa,” saad ni Angara.
Sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), pinalalawak ngayon ng DepEd ang Kaagapay Program upang isama sa Parent Effectiveness Service (PES) Program sa ilalim ng Republic Act No. 11908 na layong palakasin ang kakayahan ng mga pamilya na matugunan ang mga posibleng panganib na kinahaharap ng mga bata.
Sa ilalim ng programa, tinuturuan ang mga magulang kung paano makikilala ang mga senyales ng problema sa pag-uugali ng kanilang mga anak, paano ito matutugunan, at kung paano makikipag-ugnayan sa Child Protection Committees (CPCs) at guidance personnel ng paaralan.
Sakop ng training ang pagtatalakay sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse and Exploitation Material (CSAEM), gayundin ang tamang paraan ng pag-uulat at paghingi ng tulong kapag may nangyaring insidente.
Sa kasalukuyan, isinasagawa na ng DepEd ang programang “Strengthening Collaboration of Parents and Teachers on Learner Protection” mula Hulyo hanggang Nobyembre sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang Cordillera Administrative Region, National Capital Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol Region.
Sa mga paaralan, nakikipagtulungan din ang DepEd sa mga Parent-Teacher Association (PTA) at School Governing Council (SGC) upang maisama ang parent education sa mga umiiral na hakbang para sa pagprotekta sa mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni Angara na kailangan ang pagtutulungan ng pamilya, paaralan, at komunidad upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
“Shared accountability ang pagprotekta sa ating mga mag-aaral. Sa pagtutulungan ng paaralan, magulang, at komunidad, masisiguro natin na ligtas, nababantayan, at may nagmamahal sa bawat batang Pilipino,” ayon sa kalihim. – VC











