
Nakapagtala ng makasaysayang bilang ng textbook procurement ang Department of Education (DepEd) sa loob lamang ng isang taon, matapos makamit ang target na 105 titles para sa mga pampublikong paaralan ngayong 2026, isang malaking hakbang upang tugunan ang kakulangan sa learning resources sa bansa.
Sakop ng procurement ang mga learning resource para sa mga sunod-sunod na phase ng pagpapatupad ng kurikulum—mula sa Grades 1, 4, 7, at Senior High School (SHS) noong 2024; sinundan ng Grade 3, 2, 5, at 8 noong 2025; at Grades 6, 9, at 10 ngayong 2026, kung saan kumpleto na ang lahat ng phases ngayong taon.
Ayon sa DepEd, malaking pag-unlad ito kumpara sa 27 titles mula sa 88 kinakailangan na nabili mula 2014 hanggang 2023 batay sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
“When 27 titles in a decade is your baseline, delivering 105 titles in a single year isn’t just an administrative achievement; it is a fundamental restoration of service to our learners,” ani DepEd Secretary Sonny Angara.
Iniuugnay ng DepEd ang mabilis na procurement sa mga bagong patakaran sa ilalim ng DepEd Order No. 008, series of 2025.
Sa ilalim ng bagong sistema, nilimitahan sa limang araw ang paunang technical check para sa mga textbook at 90 araw na lang ang para sa content evaluation.
Ipinatupad din ang mandatory blind content evaluation at inalis ang mga paulit-ulit na yugto ng pagsusuri.
Hiwalay na rin ang presyo ng textbook sa scoring para sa kalidad ng materyal upang matiyak na hindi maaapektuhan ng halaga ang pagsusuri sa educational quality.
Sa oras na makapasa ang isang title sa lahat ng quality requirements, maaari na itong dumiretso sa procurement nang hindi na kailangang sumailalim sa panibagong pagbabago sa nilalaman.
Ayon kay Angara, inalis ng kagawaran ang mga naging sagabal sa mabilis na proseso ng procurement upang matiyak na agad na makatatanggap ang mga paaralan ng dekalidad na kagamitan.
“We dismantled unnecessary bottlenecks, strictly enforced timeline discipline, and proved that transparency, speed, and quality control can go hand-in-hand to ensure our schools receive complete, high-quality learning resources without delay,” ani kalihim.
Sa kasalukuyan, nasa proseso na ng procurement at nationwide distribution ang lahat ng 105 aprubadong printed electronic textbook titles para magamit ng mga mag-aaral at guro sa mga pampublikong paaralan. – VC











