Iniulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Robert Ferrer na walang Pilipinong nasaktan sa Lebanon sa kabila ng matinding kaguluhan sa pagitan ng Israel at grupong Hezbollah.
Sa isinagawang konsultasyon sa Filipino community leaders sa Lebanon, sinabi ni Asec. Ferrer na karamihan sa ating mga kababayan ang tumangging umuwi sa Pilipinas.
“We’re a democracy here in the Philippines and abroad so we cannot force those Filipinos in Lebanon, they are used to the crisis there,” saad ni Ferrer sa isang panayam.
Tiniyak naman ng opisyal na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamilya ng mga Pilipino sa Lebanon kung saan handa aniya ang Philippine Embassy sa Beirut sakaling kailanganin ng ‘mass repatriation’.
“We are doing all we can to ensure the safety of our over 10,000 Filipino kababayans in Lebanon,” pagtitiyak ni Ferrer.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang panawagan ng DFA sa mga Pinoy sa naturang bansa na mag-avail ng voluntary repatriation program ng pamahalaan habang bukas pa ang mga commercial flights at maayos ang sitwasyon sa Beirut.
Sa kabuuan, nasa 500 Pilipino na ang matagumpay na nakauwi sa Pilipinas habang higit 1,000 ang kasalukuyang pinoproseso ang pagbabalik-bansa. -VC