IBCTV13
www.ibctv13.com

DHSUD at key shelter agencies, naglunsad ng financial at housing assistance para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao

179
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally visited the communities most affected by the magnitude 7.8 earthquake in General Santos City and Sarangani last Monday, June 15. (Photo courtesy of PCO)

Nagpaabot ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at key shelter agencies ng tulong-pinansyal at pabahay para sa libu-libong mga pamilya na apektado ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa situation briefing na pinangunahan ng Pangulo nitong Lunes, Hunyo 15, inilatag ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang mga hakbang ng ahensya, kabilang ang pagde-deploy ng modular shelter units (MSUs), pamamahagi ng shelter repair at construction materials, at housing loan payment relief.

Bahagi rin ng agarang tugon ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng National Housing Authority (NHA) na nagkakaloob ng direktang tulong -pinansyal sa mga pamilyang napinsala ng kalamidad.

Sa ilalim ng programa, maaring makatanggap ng P30,000 ang mga pamilyang tuluyang nasira ang tahahan, habang P10,000 naman ang matatanggap ng mga may bahagyang pinsala sa kanilang tahanan.

Isasailalim ang mga benepisyaryo sa beripikasyon ng mga lokal na pamahalaan na nagsasagawa ng disaster assessment.
Ayon sa DHSUD, sinimulan na ng NHA ang pagproseso ng cash assistance para sa mga higit na apektadong pamilya upang matulungan silang maisagawa ang agarang pagkukumpuni ng kanilang mga bahay.

Binigyang-diin ni Aliling na prayoridad ng ahensya ang mga pamilyang nagtamo ng matinding pinsala sa kanilang mga tahanan, bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan para sa mabilis na pagbangon ng mga apektadong komunidad.

“Ang direktiba ng Pangulo ay malinaw. Kailangang maramdaman agad ng ating mga kababayan ang tulong ng pamahalaan habang sila ay bumabangon mula sa epekto ng lindol. Sa DHSUD, nakatutok tayo sa pagbibigay ng agarang suporta upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa pabahay at matulungan silang makapagsimulang muli,” ani Aliling.

Dagdag pa ng kalihim, inatasan na niya ang mga shelter agency ng DHSUD na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang pagtukoy sa mga benepisyaryo at ang paghahatid ng mga tulong.

“Ang DHSUD, katuwang ang aming KSAs, ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga apektadong komunidad para agaran nating maihatid ang kinakailangan upang muli silang makabangon,” dagdag niya.

Sinamahan din ni Aliling si Pangulong Marcos Jr. sa pag-inspeksyon ng mga lugar na naapektuhan ng lindol sa Sarangani at Region 12, kung saan personal na sinuri ng mga opisyal ng pamahalaan ang lawak ng pinsala sa mga pamilya, imprastraktura at iba pang komunidad ng nangyaring sakuna. – VC