
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang paghahatid ng tulong sa mga apektado ng Magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, ipinag-utos ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang moratorium sa pagbabayad ng housing loan amortization ng mga kwalipikadong miyembro sa rehiyon.
Inatasan na ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang key shelter agencies (KSAs) ng ahensya, kabilang ang Pag-IBIG Fund, National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC), and National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) para sa implementasyon ng nasabing hakbang.
Nakatakda namang ianunsyo ng KSAs sa lalong madaling panahon ang kani-kanyang panuntunan para sa pagpapatupad ng nasabing moratorium at ng coverage nito.
Una nang nagpakalat ng mga tauhan ang Pag IBIG Fund at NHA para magkaloob ng kinakailangang tulong sa mga biktima ng mapaminsalang lindol.
Dumating na ang dalawang Pag IBIG on Wheels Mobile Branches sa General Santos City at Dipolog City para umagapay sa mga apektadong miyembro, habang nasa lugar na rin ang NHA teams na mangunguna sa ground assessment para sa pagpoproseso ng emergency shelter assistance.
“Sa panahon ng sakuna, importanteng mabawasan ang alalahanin ng ating mga kababayan. Ang prayoridad ay ang kanilang kaligtasan,” saad ni Secretary Aliling.
Bukod sa moratorium, inatasan din ng kalihim ang Regional Offices na paganahin ang kanilang shelter clusters para tiyakin ang kahandaan at pangasiwaan ang agarang paghahatid ng “shelter-related interventions” sakaling kailanganin ng sitwasyon.
“Patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak na agad nating matugunan ang pangangailangan lalo na sa aspeto ng pabahay nang mga pamilyang apektado ng lindol,” pagtitiyak ni Aliling. – IP











