IBCTV13
www.ibctv13.com

DHSUD, magpapatupad ng pro-poor incremental housing sa ilalim ng Expanded 4PH program ni PBBM

Hecyl Brojan
189
Views

[post_view_count]

Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) meeting on Tuesday, December 2, hosted members of the Advocates of Housing for All (AHA) at the DHSUD Central Office. (Photo from DHSUD)

Patuloy na pinalalawak para sa mga mahihirap ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung saan tinitingnan ngayon ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang integrasyon ng incremental housing sa piling community mortgage sites, katuwang ang isang non-government organization (NGO).

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, nakipagpulong siya nitong Martes, Disyembre 2, sa mga miyembro ng Advocates of Housing for All (AHA) sa DHSUD Central Office upang talakayin kung paano higit pang mapapalawak at mapapabuti ang pagpapatupad ng Expanded 4PH sa buong bansa.

Naging sentro ng pagpupulong ang diskusyon sa pag-integrate ng incremental housing scheme sa flagship program, na nakatuon sa pagtulong sa mga pamilyang kapos sa buhay.

Ayon kay Secretary Aliling, ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang saklaw ng programa at matiyak ang marangal, ligtas, at abot-kayang pabahay para sa mga pamilya.

Ang incremental housing ay paraan ng konstruksyon kung saan unti-unting itinatayo at pinalalawak ng mga pamilya ang kanilang tirahan ayon sa pangangailangan at kakayahan.

“Ang incremental housing scheme ay tatapat at naka-base sa kapasidad at kasalukuyang pangangailangan ng ating mga beneficiaries. Sasabay sa pag-unlad ng ating mga beneficiaries ang uri ng kanilang tirahan,” ani Secretary Aliling.

Kasama sa pagpupulong si Federico Laxa, President at CEO ng Social Housing Finance Corporation (SHFC), at iba pang opisyal mula sa DHSUD at SHFC, upang talakayin kung paano maisasama ang incremental housing sa Enhanced Community Mortgage Program (ECMP), isa sa mga modalidad ng Expanded 4PH.

Binigyang-diin ni Aliling ang kahalagahan ng matibay na pakikipagtulungan sa AHA at sa community-beneficiaries upang matiyak ang tagumpay ng inisyatiba.

Para sa pilot implementation, hiniling ni Aliling sa AHA na tukuyin ang hindi bababa sa dalawang ECMP sites kung saan maaaring ilapat ang incremental housing scheme.

Binigyang-pugay naman ni Nathaniel von Einsiedel, kinatawan ng AHA, ang bukas na pagtanggap ng DHSUD sa mga makabagong paraan upang mapabuti ang kalagayan ng pamumuhay ng mga informal settler families.

Ayon sa DHSUD, magpapatuloy ang konsultasyon sa mga komunidad upang maisakatuparan ang inclusive, sustainable, at abot-kayang pabahay sa ilalim ng Bagong Pilipinas governance framework. – IP