
Nakipagtulungan na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Commission on Elections (COMELEC) Advisory Council (CAC) bilang hakbang upang mapanatili ang integridad ng balota ng mga Pilipino.
Sa isang pagpupulong noong Martes, Abril 15, isa sa mga tinukoy na aksyon ng dalawang ahensya ay protektahan ang proseso ng eleksyon laban sa mga umuusbong na pananamantala sa social media.
Binigyang-diin ni DICT Secretary Henry Aguda sa CAC ang pangangailangan na maging proactive at hindi reactive.
Kabilang sa tinukoy niya na banta sa integridad ng 2025 elections ang fake news, deep fakes, at organisadong troll armies.
“The threats are evolving. From fake news to deep fakes and organized troll armies–our election system must be ready to face them head-on,” saad ni Aguda.
Bilang may malaking impluwensya sa eleksyon, malugod naman na tinanggap ng CAC ang pangako ng tech giants na TikTok, Google, at Meta na ipagbawal ang paid political advertisements sa mga platform nito.
Ipinatupad ng Google ang pagbabawal noong simula ng opisyal ng pangangampanya, isang hakbang na sumusuporta sa layunin ng isang malinis, patas, at tapat na halalan.
Bilang tech vanguard para sa eleksyon, maigting na nakikipagtulungan ang DICT sa COMELEC sa ilang mahahalagang hakbangin para mapahusay ang technological infrastructure ng halalan.
Kabilang dito ang pagbuo ng Configuration Hubs kung saan tutulong ang mga tauhan ng DICT sa pamamahala sa mga hub sa panahon ng proseso ng halalan, gayundin ang pagbuo ng mga online na serbisyo tulad ng Precinct Results Finder, Registration Status Verifier, at Election Results Website, na lahat ay naglalayong tiyakin ang transparency at pagbibigay ng real-time na access sa datos ng halalan. – VC