
Matagumpay na inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) MIMAROPA ang Digital Bayanihan Caravan, ang pangunahing hakbang ng ahensya upang isara ang digital divide sa mga isla at malalayong komunidad, noong Nobyembre 24, 2025.
Pinangunahan ang programa ni DICT Secretary Henry Aguda, kasama sina Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano (na nirepresenta ni Provincial Administrator Muriel Reguinding), Congressman Leody Tarriela (na nirepresenta ni District Operations Officer Zernan Toledo), Municipal Mayor ng Mamburao EK Almero, Municipal Mayor ng Sablayan Bong Marquez, at DICT Regional Director Emmy Lou Delfin.
Ang pinalawak na caravan ay tuwirang sumasalamin sa inisyatibo ni Secretary Aguda na “Digital Bayanihan”—isang pambansang kilusan kung saan magkatuwang ang pamahalaan, pribadong sektor, at lokal na komunidad ay nagtutulungan upang matiyak ang mga digital na oportunidad ay accessible sa bawat Pilipino.
Sa temang “Bawat Isla, Bawat Probinsiya – Sa Digital Bayanihan, Lahat Sama-sama,” ang programa ay hindi lamang ceremonial gathering. Ito ay isang working platform na naghahatid ng aktuwal na kagamitan, digital services, at skills training na nakatuon sa tatlong haligi ng community development: Edukasyon, Kalusugan, at Governance.
Digital Upgrade sa Edukasyon at Komunidad
Upang tugunan ang kakulangan sa sektor ng edukasyon at kalusugan, sa ilalim ng Gadgets for Good Program, katuwang ang Concentrix Philippines, 110 computer sets ang ibinigay sa 11 pampublikong paaralan sa probinsya. Inaangat nito ang kapasidad ng school laboratories at lumalawak ang digital literacy para sa libo-libong estudyante at guro.
Kasabay nito, nag-turnover ang DICT ng karagdagang laptops sa apat na paaralan sa ilalim ng Project CLICK, patunay na ang digital transformation ay dapat umaabot sa bawat sulok ng bansa.
“Ilang tulog na lang po, lahat ng DepEd schools ay magiging connected. ’Yan ang atas sa amin ng Pangulo: dapat lahat ng Pilipino, kasama ng kabataan, ay may koneksyon,” ani Secretary Aguda.
Pag-asa at Oportunidad, Hatid sa Ulanguan IP Community
Personal din na binisita ni Secretary Aguda ang Sitio Ulanguan, isang komunidad ng Indigenous Peoples na matagal nang hindi naaabot ng digital opportunities. Ang laptops at ICT resources na naibigay sa Ulanguan IP Dormitory ang kauna-unahang tuloy-tuloy na access ng mga kabataang Mangyan sa digital tools para sa edukasyon.
Para sa mga IP learners na naglalakad ng malalayong distansya para makapag-aral, ito ay tulay tungo sa pantay na oportunidad, mula e-learning hanggang career pathways na dati’y hindi abot.
“Kung may komunidad na dapat unang maramdaman ang digital transformation, sila ‘yun, ang mga pinaka-naiiwan at pinaka-nangangailangan,” ani Secretary Aguda.
Digital Health Access para sa Liblib na Barangay
Naghatid din ang caravan ng DICT–UNDP Tablets na may naka-install na mWell Teleconsultation App at libreng health passes sa piling Barangay Health Centers. Sa pamamagitan nito, nakakapag-ugnay ang mga komunidad sa mga doktor at nakakapag-access ng digital health records, isang mahalagang tulay para sa mga lugar na malayo sa mga ospital.
Global Recognition para sa Occidental Mindoro
Kinilala din ang probinsya ng Occidental Mindoro Local Government Unit para sa kanilang malawakang adoption ng eLGU Business Permits and Licensing System (BPLS). Ang nasabing inisyatibo ay nagwagi sa WSIS Prizes 2025 sa E-Business category, isang prestihiyosong parangal na iginawad ng World Summit on the Information Society. Patunay ito na ang probinsya ng Occidental Mindoro ay nag-ooperate sa global standard sa larangan ng digital governance.
Skills Training at Connectivity para sa Digital Future
Upang matiyak ang pangmatagalang benepisyo, pinalalawak ng DICT MIMAROPA ang SPARK Program para sanayin ang mga residente sa social media marketing at freelancing, layuning makakuha sila ng disenteng hanapbuhay nang hindi na kailangang lumikas o mahiwalay sa pamilya.
Bilang suporta, nagdagdag ang DICT ng 60 Free Wi-Fi access points sa 20 lokasyon sa probinsya, isang mahalagang hakbang sa paghahatid ng inclusive connectivity.
“Ang Digital Bayanihan Caravan ay hindi lang tungkol sa pagdala ng gadgets sa probinsya; it’s about bringing hope and opportunity. Alam namin ang mga challenges na hinaharap ng Occidental Mindoro—from connectivity gaps to power instability. Ang caravan na ito ang commitment namin na magkasama nating haharapin ang mga hamong ito at sisiguraduhing no island is left behind,” ani Secretary Aguda.











