
Nangako ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na tutugunan nito ang mga nakitang kakulangan sa Unified 911 at emergency-response network kasunod ng insidenteng kinasangkutan ng 71-anyos na si Omar Askri, na inatake ng stroke noong Agosto 15 at kalaunan ay nasawi.
Nagpaabot ng pakikiramay si DILG Undersecretary for Public Safety Jed Patrick E. Mabilog para sa pamilya Askri at tiniyak ang patuloy ang imbestigasyon upang mabuo ang kumpletong pangyayari, matukoy ang pananagutan kung kinakailangan, at maisagawa ang mga pagbabago sa sistema.
“We extend our deepest condolences and prayers to the Askri family. We will continue the investigation, establish the complete facts, correct whatever needs to be corrected, and translate the lessons from this incident into concrete improvements,” ani Mabilog.
Nitong Lunes, Agosto 17, personal na nagtungo sina Mabilog, DILG Undersecretary for Public Affairs and Communications Rolando C. Puno, at Emergency 911 National Office Executive Director Francis D. Fajardo sa Brgy. Maharlika upang subukang makausap ang pamilya Askri.
Ayon sa DILG, patuloy silang makikipag-ugnayan sa pamilya at direktang ipaaalam ang resulta ng imbestigasyon.
Batay sa nakalap na inisyal na datos, umabot sa tinatayang tatlong minuto at 23 segundo ang hold time bago maikonekta sa nakatalagang 911 call taker ang tawag ni Basti Askri, pamangkin ng pasyente.
Makalipas naman ang isang minuto at 25 segundo, naikonekta ang three-way conference call sa pagitan ng caller, 911 call taker, at Taguig Command Center (TCC).
Kinilala ng TCC ang emergency at nangakong magpapadala ng response vehicle.
Gayunman, lumabas sa imbestigasyon na nahirapan ang responding team na matukoy ang eksaktong lokasyon ng pasyente at hindi mahagilap ang caller para sa karagdagang direksyon.
Samantala, binigyang-diin ni Mabilog na hindi pa pinal ang ilang mahahalagang detalye, kabilang ang exact dispatch time, attempted calls, galaw ng response vehicle, at aktwal na oras ng pagdating ng responders.
Kung mapatutunayang may pagkukulang o pananagutan ang alinmang tauhan ng DILG, tiniyak ni Mabilog na maaari silang maharap sa legal na aksyon.
Kasabay nito, sinabi ng opisyal na susuriin din ng DILG ang kapasidad ng Unified 911, na kasalukuyang humahawak ng average na humigit-kumulang 70,000 tawag bawat araw.
Kabilang sa mga tinitingnang hakbang ang pagdaragdag ng bilang ng mga call taker upang mapalakas ang kapasidad ng sistema at mabawasan ang oras ng paghihintay ng mga tumatawag.
Ayon kay Mabilog, hindi dapat maging dahilan ang volume ng tawag upang mabawasan ang pananagutan ng ahensya na patuloy na pagbutihin ang serbisyo at tiyaking mabilis na natutugunan ang mga emergency call.
“Every gap we identify will make Unified 911 stronger, faster, and better. In an emergency, trust 911,” ani Mabilog. – VC











