Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang proteksyon ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kung isisiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman patungkol sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Sa isang news forum ngayong Sabado, Setyembre 7, kinumpirma ni Secretary Abalos na inamin mismo ng dating alkalde na marami itong natatanggap na ‘death threats’ mula umano sa malalaking tao.
“Sabi ko kay Alice, simple lang, Alice kung sino man itong mga taong ito na papatay sayo, we will assure you. Yung security mo we will give it to you. Sabihin mo lang sa Senado, sabihin mo lang sa korte lahat ng nalalaman mo,” saad ni Abalos.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Mico Clavano, nahaharap sa iba’t ibang kaso si Alice Guo.
Kabilang dito ang administrative at criminal case na inihain ng Ombudsman para sa violation ng Anti-Graft and Corruption Practices, Money Laundering at kaso ng Office of the Solicitor General na magkakansela ng kanyang birth certificate,
Bukod pa rito ang freeze order sa lahat ng kanyang assets, perpetual disqualifications at iba pang kaso na isinampa ng ilan pang ahensya ng gobyerno.
Kung susumahin aniya ang lahat ng kaso ng sinibak na alkalde, aabot sa 1022 taon na pagkakakulong ang kanyang posibleng kaharapin. -IP/VC