Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Miyerkules, Setyembre 4, na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa kanilang counterparts sa Indonesia kaugnay sa tuluyang pagkakahuli kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Jakarta, Indonesia.
Ayon sa impormasyon ni BI Commissioner Norman Tansingco, naaresto si Guo sa isang hotel sa Tangerang City sa Jakarta, Indonesia bandang 1:30 a.m.
“The information has been confirmed by our immigration counterparts in Indonesia, and we are very happy with this development. We have immediately forwarded the information to the Department of Justice and the Office of the Executive Secretary,” pahayag ni Tansingco.
Sa isang press conference, iniulat ni Philippine National Police (PNP) Public Information Chief, PCol. Jean Fajardo na nakausap na rin via video call nina PNP Chief Rommel Marbil at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos si Guo kasunod ng kanyang pagkakaaresto sa Indonesia.
Target ngayong araw ng ahensya na maisapinal ang travel plans para sa deportation ng nasibak na alkalde.
Nagpaabot na ng pasasalamat sina Senator Risa Hontiveros at Win Gatchalian sa pamahalaan ng Indonesia para sa kanilang mabilis at epektibong pagkilos upang tuluyang mahuli si Guo.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Indonesian Police sa Jatanras Mabes Polri ang dismissed mayor. – VC