IBCTV13
www.ibctv13.com

Distribusyon ng mga nakumpiskang mackerel, pinangunahan ni PBBM

Jerson Robles
141
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the distribution of confiscated frozen mackerel to residents of Baseco Port Area in Manila on Saturday, December 14. (Photo by PCO)

Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang hakbangin ng pamahalaan na wakasan ang pagpupuslit at pananamantala sa mga produktong pang-agrikultura sa ginanap na distribusyon ng mga nasabat na mackerel sa mga residente ng Baseco Port Area sa Maynila ngayong Sabado, Disyembre 14.

Binigyang-diin ng lider na nakatutok ang kanyang administrasyon sa paglutas ng nasabing problema.

“Naiba po ang pamasko namin. Imbes na hamon at saka mga lechon, isda, tulingan ang aming dala. Para naman hindi masayang,” mensahe ni Pangulong Marcos Jr.

“Asahan po niyo na kapag ka may ganitong pangyayari, ang una naming iniisip [ay] kung paano gagamitin itong mga nahuling bagay-bagay na ito. Kung minsan hindi lang naman pagkain,” dagdag pa niya.

Tinatayang aabot sa 21,000 sambahayan mula sa barangay 649 ang makikinabang sa donasyong mackerel kung saan tatanggap ang bawat pamilya ng tig-2 kilong isda.

Ang mga nakumpiskang frozen mackerel ay ipamamahagi rin sa mga mahihirap na barangay sa 17 pang lokal na pamahalaan sa Metro Manila, pati na sa Obando at Meycauayan sa Bulacan, at Bacoor sa Cavite.

Bukod dito, tatanggap din ang mga piling kulungan, pampublikong ospital, at iba’t ibang care facilities.

Inaasahang aabot sa 150,000 pamilya ang mabibigyan ng produktong isda.

Nasamsam ang mga smuggled mackerel na may halagang P178.5-milyon sa Manila International Container Port (MICP) noong Setyembre 28-29.

Nitong Nobyembre, idineklara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas itong kainin ng tao.

Sa rekomendasyon ng Bureau of Customs (BOC), inaprubahan ng Department of Finance (DOF) ang donasyon nito sa Department of Agriculture (DA) sa unang bahagi ng Disyembre. – IP

Related Articles

National

Jerson Robles

66
Views