Personal na nanawagan si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac sa mga Overseas Filipino Worker o OFW sa Lebanon na umuwi na ng Pilipinas sa lalong madaling panahon dahil sa tumitinding tensyon sa south border na posible pang lumalala sa mga susunod na linggo.
“So far doon sa bordertown sa border ng Northern Israel at Lebanon, wala nang Pilipino doon. Nailikas na, however there are southern cities- roughly of 4 major cities sa south Lebanon less than 100 OFWs na nandiyan inilipat na rin sila para umakyat sa bandang gitnang bahagi sa Beirut,” saad ni DMW Sec. Cacdac.
Nasa 365 OFWs naman ang ligtas nang na-repatriate, pero nakaantabay pa rin ang kagawaran sa kumpirmasyon ng panibagong 1,000 OFWs na nagrehistro para ma-repatriate.
May 45 OFWs na ang kumpirmadong uuwi sa Pilipinas ngayong linggo.
Samantala, naghahanda na rin ang ahensya sa pagdinig ng Kamara sa kanilang proposed 2025 budget kung saan prayoridad na lagakan ng pondo ang on-going repatriations. -RY/VC