
Tiniyak ng Department of Health (DOH) na handa ang lahat ng ospital nito sa Metro Manila sakaling tumama ang malakas na lindol na tinawag na ‘The Big One’ o ang 7.2 magnitude earthquake.
Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maagang maghanda sa mga sakuna at tiyaking tuloy-tuloy ang serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno.
Sa inilatag na contingency plan ng DOH, hinati ang Metro Manila sa apat na quadrant–North, East, West, at South–kung saan may nakatalagang ospital ng ahensya upang mapabilis ang pagresponde sa oras ng kalamidad.



Pasado sa Hospital Safety Index ang mga gusali ng mga ospital ng DOH, at may nakalatag na mga emergency response plan para sa malakas na lindol.
Kabilang sa mga hakbang na ipinatutupad ang regular na structural assessment, retrofitting ng lumang pasilidad, at paggamit ng mga pag-aaral kasama ang mga partner agencies.
Kasabay nito, tiniyak ng DOH na handa rin ang mga regional office, kabilang ang Region III, upang agad na makaresponde kung tatama sa Metro Manila ang “The Big One.” –VC