
Itinaas ng Department of Health – Central Visayas Center for Health Development (DOH-CVCHD) sa full alert ang health system sa Cebu City upang matiyak ang kahandaan sa gitna ng pagdaraos ng ASEAN Tourism Forum (ATF).
Ayon sa CVCHD, katuwang ang Office of Civil Defense, nakapwesto na ang mga karagdagang medical team sa lahat ng venue ng ASEAN events, kasabay ng mga klinika sa mga hotel at tinutuluyang pasilidad ng mga delegado.
Sinabi ni Health Promotion and Communication Management Unit head Dr. Rannie Corazon P. Gravador na Disyembre 2025 pa nang simulan ang mga pulong kasama ang iba’t-ibang ahensya upang tiyakin ang kahandaan sa pagtugon sa anumang insidente.
Bawat medical team ay binubuo ng mga doktor, nars, at emergency medical technicians na naka-standby nang 24 oras at sumailalim sa screening bago i-deploy upang matiyak ang kani-kanilang kahandaan at assignments.
Binuksan din ng DOH ang isang 24-hour command center na magsisilbing sentro ng koordinasyon at referral sa mga ospital, upang agarang makapag-abiso para sa karagdagang medikal na tulong.
Maagang inilagay sa code white o heightened alert ang lahat ng pampubliko at pribadong ospital para sa anumang medical emergencies.
Samantala, bukod sa emergency response, binabantayan din ng DOH ang food at water supply at kalinisan ng mga venue, kung saan ininspeksyon din ng mga sanitation inspector ng LGUs ang water sources at sanitation facilities upang matiyak ang pagsunod sa health standards.
Patuloy ang pagmamanman ng DOH sa mga karaniwang sakit tulad ng diarrhea at ang abiso sa mga delegado na agad magpatingin sa medical teams kung makaranas ng anumang sintomas, lalo’t may mga outdoor activities ang ATF. – VC











