Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga Pilipino kaugnay sa mga sakit na maaaring makuha ngayong holiday season.
Sa nalalapit na noche buena at kaliwa’t kanan na kainan para sa kapaskuhan hanggang bagong taon, pinayuhan ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang publiko na maghinay-hinay sa pagkain ng mga matatamis, maaalat at matataba o mamantika na putahe.
Nakikita ng ahensya na malaki ang tyansa ng maraming Pilipino na ma-ospital dahil sa “Holiday Heart Syndrome” gaya ng stroke, heart attack at bronchial asthma na resulta ng sobrang pagkain at pag-inom ng alak.
“Tumataas ang heart attack at stroke proven yan ngayong pasko. Gusto ko paalalahanan ang lahat, mahal namin kayo kaya panawagan namin ang tamang pagkain,” panawagan ni Herbosa.
Nitong Sabado, Disyembre 21, isinagawa ang “Ligtas Christmas Hospital Preparedness and Response Rounds” kung saan personal na kinumusta at ininspeksyon ni Herbosa ang mga pampublikong ospital.
Iniulat ng mga institusyon gaya ng Philippine Heart Center ang naitalang 60 kaso ng stroke mula Hulyo hanggang Nobyembre ngayong taon habang patuloy namang tumataas ang kaso ng naturang sakit sa East Avenue Medical Center na may 328 kaso noong Disyembre 2023 kumpara sa 188 (2020), 226 (2021) at 247 (2022).
Kasabay nito, nanawagan si Secretary Herbosa na huwag nang magbalot ng pagkain mula sa mga handaan na dinaluhan dahil sa posibilidad na magdulot ito ng food poisoning.
Isinusulong din ng kagawaran ang kampanyang “BiyaHealthy” at “Iwas Paputok” upang maging ligtas ang mga Pilipino, bata man o matanda, sa mga road at firecracker related injuries.
“Huwag uminom ng alak kung magmamaneho at huwag nang magpaputok. Mapanganib sa mga menor de edad ang parehong alak at paputok! Isara po natin ang 2024 nang ligtas at sama-samang salubungin ang 2025 nang malusog, dahil sa Bagong Pilipinas, Bawat Buhay Mahalaga,” dagdag ng kalihim. – DP/VC