Inanunsyo ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na hindi na kakailanganin ng purchase booklet ng mga senior citizen para makakuha ng discount sa pagbili ng gamot.
Sa bisa ito ng nilagdaang Administrative Order No. 2024-0017 ni Herbosa para sa pagpapatupad ng Expanded Senior Citizens Act of 2010, kung saan naglalayong bigyan ng sapat na benepisyo ang mga senior citizen sa Pilipinas kabilang ang discounts, libreng medical service, pension at iba pang assistance.
“Senior citizen rin ako. Alam kong mahirap laging magdala ng purchase booklet. Kailangan ng mga nakatatanda ang diskwento sa kanilang mga gamot, at dapat madali nating makuha iyon,” saad ni Herbosa.
“Sa ngalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kami sa DOH ay nagbibigay ng regalong ito ng kaginhawahan at mas abot-kayang gamot sa lahat ng ating mga senior citizen. Maligayang Pasko po!” dagdag niya.
Ngayon ay kailangan na lamang magpresinta ng valid I.D. at reseta ng doktor upang makakuha ng diskwento mula sa mga binibiling gamot sa botika. – VC