IBCTV13
www.ibctv13.com

DOLE, maglalabas ng labor advisory para protektahan ang mga manggagawa vs Super El Niño

119
Views

[post_view_count]

Construction workers rehabilitate General Luna St. in Intramuros, Manila, under the heat. (File photo of PNA)

Naghahanda ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng apat na labor advisory upang protektahan ang mga manggagawa laban sa matinding init na dulot ng banta ng Super El Niño.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa.

Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, ang mga gabay ay naglalayong mabawasan ang panganib ng pagkakasakit dahil sa mataas na heat index, lalo na sa mga nagtatrabaho sa labas, tulad ng construction workers.

“Nakasulat sa labor advisory na walang bawas sa sweldo, bawat kategorya ay may mga kaukulang gawain si employer. Ganoon din si employee na dapat sundin para sa kanilang kapakanan,” ani Tolentino.

Isinusulong din ng DOLE ang pagkakaloob ng benepisyo sa mga manggagawang makararanas ng mga sakit habang ginagampanan ang kanilang trabaho. Kabilang dito ang heat stroke, heat cramps, at heat exhaustion.

Ayon sa kalihim, maaaring makatanggap ng kompensasyon ang mga manggagawang makararanas ng ganitong uri ng sakit, alinsunod sa mga patakaran ng Employees’ Compensation Commission (ECC).

“Yung ECC, hawak din naman niya ang SSS at GSIS, maglalabas po ng labor advisory kung saan ‘yung heat-related injuries na work-related, would be compensable,” ani Tolentino.

Plano namang isama sa proteksyon ang mga delivery rider.

Ayon kay Tolentino, makikipag-ugnayan ang DOLE sa mga delivery platform upang hikayatin ang mga kumpanya na payagan ang mga rider na magpahinga sa mga itinalagang cooling station, nang hindi pinapatawan ng parusa dahil sa pagkakaantala ng delivery.

“Magkakaroon kami ng labor advisory patungkol sa mga delivery rider. Hindi sila ipe-penalize kung late ang delivery. Pagbibigyan sila ng puwang na sumilong muna sa mga cooling stations,” dagdag ng kalihim. – VC