IBCTV13
www.ibctv13.com

DOLE, nilinaw ang patakaran sa sahod sa private sector sa panahon ng work suspension

170
Views

[post_view_count]

IBC File photo

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga private-sector employer at manggagawa hinggil sa kanilang mga karapatan at obligasyon kapag sinuspinde ang trabaho dahil sa matinding sama ng panahon.

Ayon sa DOLE, maaaring magsuspinde ng operasyon ang mga pribadong kumpanya upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa sa panahon ng malakas na pag-ulan, pagbaha, at iba pang weather disturbances, alinsunod sa Labor Advisory No. 14, Series of 2026.

Nilinaw ng ahensya na ang mga empleyadong pumasok at nakapagtrabaho nang hindi bababa sa anim na oras sa araw ng suspensyon ay dapat makatanggap ng buong regular na sahod.

Para naman sa mga nagtrabaho nang wala pang anim na oras, maaari silang bayaran nang naaayon sa aktwal na bilang ng oras na kanilang pinasok.

Samantala, ang mga manggagawang hindi pumasok o hindi nag-render ng serbisyo habang suspendido ang trabaho ay karaniwang hindi entitled sa regular na sahod.

Gayunman, maaari pa rin silang mabayaran kung may favorable company policy o practice, collective bargaining agreement (CBA), o available na leave credits.

Binigyang-diin ng DOLE na hindi dapat patawan ng administrative sanctions ang mga empleyadong hindi pumasok dahil sa napipintong panganib na dulot ng masamang panahon.

Ayon pa sa ahensya, maaaring magbigay ang mga employer ng karagdagang insentibo o benepisyo sa mga manggagawang nag-render ng dagdag na oras sa mga araw na suspendido ang trabaho.

Para sa mga katanungan o reklamo kaugnay ng labor at employment concerns, maaaring makipag-ugnayan sa DOLE sa hotline 1349 o magsumite ng query sa kanilang online portal o sa email na hotline1349@dole.gov.ph. VC