
Mas pinaigting ng Department of Transportation (DOTr) ang mga hakbang sa operasyon ng mga paliparan, bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pababain ang presyo ng domestic airfare at gawing mas abot-kaya ang paglalakabay sa mga lokal na destinasyon.
Isa sa mga pangunahing hakbang ng ahensiya ay ang pagpapahaba ng mga runway sa mga rehiyonal at panlalawigang paliparan sa bansa.
Ayon kay DOTr Secretary Banoy Lopez, itatakda ang 2,100 metrong runway bilang minimum na pamantayan sa mga paliparan upang makalapag ang mas malalaking aircraft, na magdaragdag ng mas malaking kapasidad ng mga pasahero.
Bukod sa pagpapalawak ng runway, isinusulong din ng DOTr at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang night-rating ng mga paliparan, partikular sa mga tourist airport, kung saan maaari nang mag-operate kahit gabi at madaling-araw.
Ayon kay Lopez, ito ang tinatawag na red-eye flights, na karaniwang may mas mababang pamasahe.
Noong nakaraang taon, nauna nang humiling ang DOTr sa Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific na pababain ang presyo ng one-way ticket papuntang Siargao mula P17,500 hanggang P11,700, kung saan ang pinakamababang pamasahe ay umabot lamang ng P3,908.
Samantala, bilang alternatibo, nagtayo ang Philippine Ports Authority (PPA) ng cruise terminal sa Siargao na maaaring pagdaungan ng mga barkong pampasahero, kung saan may buma-biyaheng barko ng 2GO na may pamasahe na nasa P3,500.
Patuloy ding sinusuri ng DOTr at CAAP ang posibilidad ng pagbabawas sa terminal fees sa mga paliparan na nasa ilalim ng CAAP. – VC











