
Suspendido pa rin ang implementasyon ng inaprubahang taas-pasahe sa public utility vehicle (PUV) na unang itinakdang ipatupad noong Marso 2026, ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez.
Sa press conference ng DOTr ngayong Huwebes, Agosto 6, sinabi ni Lopez na nananatiling epektibo ang suspensyon ng P1-2 na dagdag-pasahe bilang tugon sa patuloy na paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi dapat ipasa sa mga komyuter ang dagdag na pasanin dulot ng kasalukuyang sitwasyon sa sektor, paliwanag ng kalihim.
“Ang sabi ng Pangulo, ang mga ganitong problema ay dapat solusyunan ng gobyerno at hindi ipasa sa mga komyuter,” giit ng Lopez.
Sa kabila nito, sinabi ni Lopez na magpapatuloy ang pagproseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa panibagong hirit na dagdag-pasahe ng iba’t ibang transport groups.
“May pangalawa po tayong fare hike. I think this is a pending petition with the LTFRB. Tuloy po ang pagdinig diyan. ‘Yung hearing, yung proseso, tuloy-tuloy pa rin po. And I think on Monday, may hearing po ang LTFRB,” aniya.
Bilang solusyon naman sa kanilang hinaing, inilatag ng DOTr ang ilang hakbang upang mabawasan ang gastusin ng mga PUV operator at driver.
Simula Agosto 15, itataas ang fuel subsidy mula P10 kada litro patungong P12/litro.
Ayon sa DOTr, humigit-kumulang P1,500 hanggang P1,800 ang inaasahang matitipid dito kada linggo ng mga tsuper sa kanilang kita.
Isasama rin ang mga transport group sa UPLIFT Assistance Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan makatatanggap ng P2,000 ang bawat kwalipikadong pamilya.
Samantala simula Agosto 10, libre muna ang toll sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX) para sa mga provincial bus.
Palalawigin din hanggang sa katapusan ng taon ang waiver sa terminal fee sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para sa mga PUV, kasabay ng ipatutupad na libreng monthly terminal sa lahat ng SM public transport terminals sa buong bansa simula Agosto 15.
“At least makikita ninyo na bagama’t suspended pa rin ang fare hike, ang national government at ang Pangulo ay gumagawa ng mga hakbang upang agad na matugunan ang mga problema ng ating transport sector,” ani Lopez.
Matapos ang pakikipagpulong sa DOTr, nagpasya ang iba’t ibang transport organizations na hindi na ituloy ang nakatakdang tigil-pasada sa Biyernes.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, nagpapasalamat siya sa DOTr at sa Pangulo dahil sa mga hakbang na inilatag upang matulungan ang sektor ng pampublikong transportasyon.
“Gumawa po sila ng pamamaraan, at ito nga po ang aming mga nakuha,” ani Mendoza.
Matatandaan noong Marso 18 ay ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. ang pagsuspinde sa implementasyon ng mga inaprubahang fare increase para sa mga PUV.
Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na hindi napapanahon ang pagpapatupad ng minimum fare increase dahil sa dagdag na pasaning dulot ng nagpapatuloy na krisis sa Middle East at ng epekto nito sa kabuhayan ng mga Pilipino. – VC











