
Magbubukas ng oportunidad ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga bagong engineer sa pamamagitan ng muling paglulunsad ng Cadet Engineering Program.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, layunin ng programa na palakasin at pasiglahin ang ahensya sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga bagong graduate sa larangan ng engineering.
Sa kasalukuyan, inanunsyo ni Dizon na may 1,993 bakanteng posisyon para sa mga inhinyero na karamihan ay nasa mga regional office.
Ipinag-utos ng kalihim ang madaliang pagtanggap at pag-promote ng mga kwalipikadong aplikante, kabilang ang mga job order (JO) workers na matagal nang nagseserbisyo sa ahensya.
“Just because you have been a JO for a long time, does not mean you do not have the right and opportunity to advance.” ani Dizon.
Samantala, tiniyak ng kalihim na mapapabilis ang pagpapalabas sa sahod ng mga contractual employees sa loob ng pitong araw matapos ang cut-off date, bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suportahan ang kapakanan ng mga manggagawa sa gobyerno. –VC