Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 6 na naka-heighten alert na ang kanilang opisina sa Western Visayas kasunod ng babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa posibleng pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Oriental.
Nitong Miyerkules, Setyembre 11, nagbuga ng ‘record-breaking’ na 11,556 toneladang sulfur dioxide (SO2) gas ang naturang bulkan na siyang pinakamataas simula noong 2009.
Nagpatuloy ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon sa 24 oras na pagmamanman ng PHIVOLCS nitong Huwebes, Setyembre 12, kung saan naitala ang 10,880 tonelada ng asupre at 17 volcanic earthquake.
Dahil dito, nagbabala ang PHIVOLCS sa mga kalapit na residente sa lugar para sa posibleng ‘magmatic eruption’.
“As instructed by Secretary Rex Gatchalian, the DSWD is on high gear as our regional offices prepare for the worst, amid the volcanic unrest of Mt. Kanlaon in Negros Oriental,” saad ni Asst. Secretary for Disaster Response Management Group and spokesperson Irene Dumlao.
Ayon kay Dumlao, nakahanda na ang P147-milyong halaga ng food and non-food items (FNIs) sakaling kailanganin sa response operations.
Kabilang dito ang kabuuang 37,868 family food packs (FFPSs) at higit 15,000 non-food items gaya ng family kits, sleeping kits, hygiene kits, at kitchen kits.
Kasalukuyang nakataas sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon na posibleng pang tumaas kung magpapatuloy ang aktibidad ng bulkan. -VC