IBCTV13
www.ibctv13.com

DSWD, handang tumugon sa mga maaapektuhan ng Bagyong Maymay; araw-araw na paggawa ng FFPs, tiniyak

127
Views

[post_view_count]

Volunteers at the Luzon Disaster Resource Center in Pasay City. (File photo of DSWD)

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong Miyerkules, Agosto 5, na nakahanda sila sa mabilisang pagmobilisa ng tulong sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng Bagyong Maymay habang nagpapatuloy ang pagtugon ng ahensya sa iba pang mga kalamidad sa bansa.

Batay sa latest bulletin na inilabas ng PAGASA, posibleng mag-landfall ang Bagyong Maymay sa alinman sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, at La Union.

Matapos ang inaasahang pag-landfall, inaasahang hihina ang Bagyong Maymay at magiging isang tropical depression, bago tuluyang maging isang low pressure area (LPA) pagsapit ng Huwebes, Agosto 6.

Ayon kay DSWD spokesperson and Asst. Secretary Irene Dumlao, pinaiigting na ng kagawaran ang monitoring at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya upang matiyak ang agarang paghahatid ng ayuda kung kinakailangan.

“Nakaalerto na po ang disaster response teams, gayundin ang iba pang mga personnel ng ating Central Office at Field Offices nationwide para agad na makapagbigay ng kinakailangang tulong sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng malakas na pag-ulan, pagbaha, at iba pang panganib dulot ng sama ng panahon,” ani Dumlao.

Batay sa pinakahuling Disaster Response Operations Monitoring, Information and Communication (DROMIC) report nitong alas-6 ng umaga, mayroon nang mahigit apat na milyong family food packs (FFPs) na nakaimbak sa iba’t ibang disaster resource center, regional warehouse, at hubs ng DSWD sa buong bansa.

Sapat din ang suplay ng ready-to-eat-food boxes (RTEF), iba pang food at non-food items, at may nakalaang Quick Response Fund (QRF) na nagkakahalaga ng P1.66 bilyon ang DSWD Central Office para sa agarang pagtugon sa mga kalamidad.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tinitiyak ng DSWD ang mabilis at sapat na paghahatid ng tulong sa mga mamamayang apektado ng iba’t ibang sakuna.

Ayon kay Dumlao, hindi lamang naghahanda ang DSWD tuwing may paparating na kalamidad dahil araw-araw itong gumagawa ng FFPs upang matiyak ang sapat na suplay sa oras ng pangangailangan.

“Araw-araw nagpo-produce tayo ng food packs para madali tayong makatugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan,” saad ng opisyal.

Samantala, hinikayat ng DSWD ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather bulletin ng PAGASA at mga abiso ng kani-kanilang lokal na pamahalaan, gayundin ang pagsunod sa mga necessary precautions laban sa posibleng epekto ng Bagyong Maymay at ng habagat. VC