IBCTV13
www.ibctv13.com

DSWD, ikinatuwa ang pag-apruba sa panukalang gawing permanente ang Walang Gutom Program

Kristel Isidro
91
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Walang Gutom Kitchen (WGK) of the Department of Social Welfare and Development (DSWD) in Pasay City. (Photo courtesy of PCO)

Malugod na tinanggap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pag-apruba ng House Committee on Social Services sa substitute bill na naglalayong mag-i-institutionalize sa Walang Gutom Program (WGP).

Inaprubahan ng komite nitong Lunes, Hunyo 1, ang panukalang batas na gawing permanente ang WGP upang palakasin ang pagtugon ng gobyerno sa suliranin ng involuntary hunger, suportahan ang pamilyang may mabababang kita, at makatulong sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng agrikultura.

Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, ang pagpapatibay sa programa bilang isang permanenteng polisiya ng pamahalaan ay magpapalakas sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wakasan ang kagutuman at matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang mga mahihirap at vulnerable na pamilya.
Ayon kay Dumlao, makatutulong ang institutionalization ng WGP upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta sa mga magsasaka, mangingisda, at mga micro at small enterprises (MSEs) na nagsusuplay ng mga pagkain para sa food redemption activities ng programa.

Inilunsad noong 2023 sa ilalim ng Executive Order No. 44 noong 2024, ang WGP ang pangunahing hakbangin ng pamahalaan laban sa kagutuman ng Marcos Jr. administration.

Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang mga benepisyaryo ng P3,000 buwanang food credits na maaari nilang gamitin sa pagbili ng masusustansyang pagkain mula sa mga accredited retailer ng DSWD.

Nagpasalamat naman si Dumlao sa mga miyembro ng House Committee on Social Services sa kanilang suporta sa panukala at sa pagkilala sa kahalagahan ng patuloy na mga hakbang laban sa kagutuman.

“Ang DSWD ay nagpapasalamat sa Kongreso sa patuloy na pagsuporta sa mga programa ng aming departamento. We will remain committed to working closely with legislators and other stakeholders to ensure that no Filipino family goes to bed hungry and that programs addressing food insecurity are strengthened and sustained,” ani Dumlao. – VC