IBCTV13
www.ibctv13.com

DSWD, may nakahandang relief goods para sa mga liblib na lugar sa harap ng banta ng Super Typhoon

116
Views

[post_view_count]

Volunteers continue to repack family food packs in Luzon Disaster Resource Center in Pasay City. (File photo of DSWD)

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na handa na ang mga ipadadalang relief goods sa mga liblib na lugar sa bansa upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong sa mga maaapektuhan ng Super Typhoon Champi na ngayon ay tinawag nang Bagyong Rosal.

Sa panayam sa IBC News, sinabi ni DSWD Spokesperson and Assistant Secretary Irene Dumlao na mayroong nakaimbak na relief supplies sa lalawigan ng Batanes.

Halos 200,000 family food packs (FFPs) naman ang nakaimbak sa mga local warehouse sa Region 2 o Cagayan Valley, na nakahanda para sa agarang pamamahagi sa mga komunidad.

Batay sa datos ng DSWD, mayroong nakahandang mahigit 4.57 milyong FFPs, 354,426 non-food items (NFIs), at 204,695 kahon ng ready-to-eat food (RTEF) ang ahensya.

Samantala, may nakalaan itong pondo upang suportahan ang mga local government unit (LGU) sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad.

Bahagi ang strategic prepositioning framework ng programang Buong Bansa Handa (BBH) ng DSWD, na naglalayong matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng pagkain sa panahon ng malalaking kalamidad.

Maliban sa relief goods, may technical aid din ang DSWD para sa mga LGU upang matiyak ang maayos na operasyon ng mga evacuation center.

Nakahanda na ang mga evacuation center sa mga posibleng maapektuhang rehiyon, na may mga water, sanitation, at hygiene facility, gayundin ang mga child-friendly spaces para sa mga bata.

Nakaantabay naman ang mga Quick Response Team ng DSWD upang tumulong sa mga lokal na opisyal sa pamamahagi ng ayuda sa oras na pumasok ang Super Typhoon Champi sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

“Nais nating sabihin na ’wag po kayong matakot, nakahanda po ang ating pamahalaan sa pamumuno ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tugunan ang inyo pong pangangailangan,” ani Dumlao.

As of 10 am ngayong Martes, Oktubre 20, pumasok na sa PAR ang bagyong Rosal habang nakataas na sa ilang lugar sa Luzon ang Wind Signal No. 1. – VC