
Naabot na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang target nitong 600,000 benepisyaryong kabahayan sa ikalawang taon ng pagpapatupad ng Walang Gutom Program (WGP), ayon kay Innovations and Program Development Group (IPDG) Undersecretary Edu Punay.
Sa ginanap na seremonya ng pamamahagi ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards nitong Huwebes, Pebrero 12, inihayag ni Punay na natupad ng ahensya ang kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang mga benepisyaryo ng programa upang mas marami pang pamilyang nakararanas ng kagutuman ang matulungan.
Ang aktibidad ay idinaos sa Romblon State University (RSU) bilang pagpapatuloy sa rollout ng programa sa mga bagong sakop na lugar.
10 benepisyaryo ang personal na tumanggap ng kanilang EBT cards, na kumumpleto sa kabuuang 94 benepisyaryo sa nasabing lugar.
Maaaring gamitin ang nasabing credits upang makabili ng sariwa at masustansyang pagkain mula sa mga akreditadong partner merchants.
Kasabay ng pamamahagi, nagsagawa rin si Punay ng inspeksyon sa mga stall ng partner merchants sa loob ng RSU campus upang tiyakin ang kalidad ng mga produktong pagkain at maayos na operasyon ng point of sale (POS) system.
Binigyang-diin ng opisyal na ang mga benepisyaryo ay kailangang dumalo sa Nutrition Education Sessions (NES) at Productivity Enhancement Sessions (PES) bilang kondisyon sa patuloy na pagtanggap ng benepisyo.
Ang NES ay gumagamit ng mga pamantayang module na nakatuon sa wastong paghahanda ng pagkain, pag-unawa sa food groups, at tamang sukat ng pagkain batay sa “Pinggang Pinoy” ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI).
Samantala, ang PES ay isinasagawa katuwang ang mga ahensiya tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang mabigyan ang mga benepisyaryo ng oportunidad sa kabuhayan.
Sa pamamagitan ng pinalawak na implementasyon ng programa, umaasa ang pamahalaan na higit pang mapatatag ang seguridad sa pagkain ng mga Pamilyang Pilipino, at mabawasan ang insidente ng kagutuman sa bansa. – VC











