
Inilagay sa Blue Alert status ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang mino-monitor ang Typhoon Saudel na tuluyan nang pumasok sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at pinangalanang #ObetPH ng PAGASA as of 1:20 p.m. ngayong Lunes, Agosto 24.
Ayon kay DSWD spokesperson and Asst. Secretary Irene Dumlao, ibinaba sa blue o standby alert ang status matapos i-downgrade ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) mula sa red alert noong Huwebes.
Sa ilalim ng blue alert, mahigpit na mino-monitor ng DSWD ang galaw ng sama ng panahon at mga kondisyon sa mga lugar na maaaring maapektuhan.
Nakaantabay din ang relief supplies at family food packs (FFPs) sa mga warehouse, habang patuloy ang koordinasyon ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan para sa agarang pagtugon sakaling kailanganin.
“Bagamat may pagbaba sa alert status, patuloy pa rin ang pagbabantay at koordinasyon ng DSWD,” ani Dumlao.
Batay sa datos ng ahensya, mayroon pang mahigit 3.7 milyong kahon ng FFPs ang DSWD na nakaposisyon sa mga strategic hub, spoke, at last-mile areas sa buong bansa.
Mahigit 369,000 kahon ang nasa Luzon Disaster Resource Center sa Pasay City, higit 512,000 kahon sa Visayas Disaster Resource Center sa Mandaue City, at mahigit 174,000 kahon naman ang nasa Mindanao Disaster Resource Center sa Butuan City.
Mayroon namang kabuuang P667 milyon na standby funds ang ahensya para sa pagtugon sa mga pangangailangan dulot ng kalamidad.
Ayon kay Dumlao, handa ang DSWD na mabilis na magpadala ng mga kinakailangang tulong at response team sa mga lugar na maaapektuhan ng masamang panahon.
“Alinsunod as utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tinitiyak namin na madaling mai-dedeploy ang mga kinakailangang logistical requirements ng mga DSWD field offices sa mga lugar na maaapektuhan. Nakahanda ring kumilos ang aming mga response team anumang oras,” aniya. – VC











