
Isa sa mga patuloy na kinakaharap na suliranin ng maraming Pilipino ay ang kagutuman. Dahil dito, nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang pagtugon sa problemang ito upang matiyak na magiging busog at malusog ang bawat mamamayang Pilipino.
Ngayong taon, tuluy-tuloy ang naging mga hakbang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) alinsunod sa Executive Order No. 44 na nilagdaan noong 2023, o mas kilala bilang “Walang Gutom 2027” program.
Kabilang sa mga ipinagpatuloy na inisyatibo ng DSWD ang Food Stamp Program at ang Walang Gutom Program na layong suportahan ang nutrisyon ng mga pamilyang Pilipino.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patuloy ang gagawing pagpapalawak sa saklaw ng programa para sa susunod pang mga taon.
“Sa ikalawang taon ng ating Walang Gutom Program, mabibigyan ng tulong ang anim na raang kabahayan sa kanilang nutrisyon at sa 2027, dadamihan pa natin sa 750,000 ang maaabot ng feeding program natin,” pahayag ng Pangulo.
Upang mas mapabilis ang tulong, inilunsad din ngayong taon ang electric vouchers, kung saan mas napapadali ang pagre-refuel ng pondo sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer. Magagamit ito ng mga benepisyaryo sa pagbili ng masustansyang mga pagkain.
“Dahil dito sa programa natin, bumaba na po ang hunger rate o ang mga gutom sa household beneficiaries,” dagdag ng Pangulo.
Kasunod nito, nagtayo rin ang DSWD ng Walang Gutom Kitchen, ang kauna-unahang food bank sa bansa na nagbibigay ng libre’t masustansyang pagkain, lalo na sa mga Pilipinong naninirahan sa lansangan.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, bahagi ito ng mas malawak na adbokasiya ng ahensya.
“Part ito ng overall drive natin. Itong soup kitchen natin ay tuloy-tuloy na nag-ooperate. Dito dinadala ng mga fast food ang sobra nilang pagkain, at laging bukas ito para sa nagugutom nating kababayan,” ani Gatchalian.
Binuksan din kamakailan ang mga processing center kung saan aktibong inaabot ng DSWD ang mga kababayang nakatira sa lansangan. Layunin nitong mabigyan sila ng pansamantalang matutuluyan, pagkain, at kabuhayan, partikular ang ilang Indigenous People na napapadpad sa mga lungsod.
“Parte din iyon ng pag-reach out namin para malaman [kung] ano ba ang kailangan naming gawin upang hindi na sila ma-exploit pa sa lansangan. Proactive ang programa, gusto naming makapagbigay ng livelihood grants sa kanila, [gaya ng] kalabaw sa mga Aeta at bangka sa mga Badjao,” paliwanag ng kalihim.
Sa kasalukuyan, plano ng DSWD na palawakin pa ang Pag-abot Program sa pagtatayo ng karagdagang processing centers sa Region IV-A at Region III.
Samantala, pinagtibay ng pamahalaan ang pangako nitong ipagpapatuloy ang paghahatid ng pagkain sa bawat hapag, may malasakit na serbisyo at kalinga, at ang pagtitiyak na walang maiiwan sa Bagong Pilipinas. (Ulat mula kay Eugene Fernandez) – VC











