IBCTV13
www.ibctv13.com

DSWD, pinaigting ang relief operations para sa mga apektado ng habagat at Bagyong Luis, Maymay

58
Views

[post_view_count]

DSWD – Davao Region immediately delivered family food packs (FFPs) to 309 families affected by the flood caused by Habagat in Brgy. Tugbok Proper, Tugbok District, Davao City today, August 6. (Photo courtesy of DSWD)

Pinaigting ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang relief operations nito upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad sa pinagsamang epekto ng habagat, nagdaang Bagyong Luis, at Maymay.

Ayon kay DSWD spokesperson and Asst. Secretary Irene Dumlao, nakaalerto ang mga disaster response team sa iba’t ibang regional offices ng kagawaran upang mabilis na makatugon sa mga pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan.

“Sa ngayon po nakapag distribute na po tayo ng family food packs and ready-to-eat-food boxes sa affected communities to address their immediate needs,” ani Dumlao.

Batay sa pinakahuling DROMIC report nitong alas-6 ng umaga, nakapaghatid na ang DSWD ng 1,244 family food packs (FFPs), 266 non-food items (NFIs), at 634 ready-to-eat food (RTEFs) packs sa mga pamilyang lumikas.

Umabot na sa 26,412 pamilya o 88,738 katao mula sa 290 barangay ang naapektuhan ng masamang panahon.

Aabot naman sa P1.798 milyon ang halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi ng DSWD sa mga apektadong lugar sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, at Zamboanga Peninsula.
Binigyang-diin ni Dumlao na patuloy na mino-monitor ng kagawaran ang sitwasyon sa mga apektadong lugar habang nakikipag-ugnayan ito sa mga lokal na pamahalaan na nagsisilbing first responders sa panahon ng mga kalamidad.

Upang matiyak ang tuloy-tuloy na relief operations sa ilalim ng Buong Bansa Handa (BBH) program, sinabi ng DSWD na mayroon itong mahigit limang milyong FFPs na naka-preposition sa buong bansa.

Kabilang dito ang 257,601 na NFIs, 349,231 RTEFs, at 16,038 iba pang food items.

“Patuloy ang ating pamamahagi ng tulong sa ating mga kababayan at tinitiyak ng DSWD na sapat ang ating mga prepositioned goods para sa lahat ng maaapektuhan ng Bagyong Luis at Maymay,” saad ni Dumlao.

Tiniyak din niya na may higit P6.11 bilyong relief resources ang kagawaran bilang bahagi ng kahandaan sa pagtugon sa mga sakuna.

Alinsunod ang patuloy na relief operations ng ahensya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking agarang maipararating ang sapat na ayuda sa lahat ng pamilyang apektado ng kalamidad. – VC