IBCTV13
www.ibctv13.com

DSWD, sisimulan sa Martes ang pamamahagi ng emergency cash aid sa mga biktima ng lindol sa Mindanao

Kristel Isidro
118
Views

[post_view_count]

The Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI has launched the Emergency Cash Transfer (ECT) Offline Payout System to speed up and simplify financial aid distribution for disaster-hit families. (File photo of DSWD)

Simula Martes, Hunyo 23, mamamahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng tulong-pinansyal para sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Davao Occidental, Sarangani, at General Santos City sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT).

Nakatakdang bumisita si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga probinsiya upang personal na pangunahan ang paglulunsad ng ECT.

Ayon sa DSWD, bahagi ng early recovery phase ang pamamahagi ng emergency cash aid upang tulungan ang mga pamilya na makabangon mula sa pinsalang dulot ng lindol, kabilang ang pagkukumpuni o muling pagtatayo ng mga nasirang kabahayan.

Direktiba mismo ni Gatchalian na tapusin muna ang pamamahagi ng mga family food packs at iba pang non-food items bago magsagawa ng emergency cash transfers.

Batay sa paunang datos ng DSWD, mahigit 139,000 pamilya mula sa Davao Region 11 at SOCCSKSARGEN ang inaasahang makatatanggap ng tulong mula sa ECT.

Tinatayang aabot sa mahigit P799.59 milyon ang inilaan na pondo para sa programa.

Ang pagpapatupad ng ECT ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking lahat ng pamilyang naapektuhan ng lindol ay makatatanggap ng maagap at sapat na tulong mula sa pamahalaan.

Ang ECT ay isang adaptive strategy ng DSWD na nagsisilbing tulay mula sa agarang disaster relief patungong recovery support sa pamamagitan ng pagbibigay ng cash assistance sa mga pamilyang nangangailangan ng suporta matapos ang kalamidad. – VC