IBCTV13
www.ibctv13.com

E-bikes at e-trikes, huhulihin na sa mga pangunahing kalsada simula Disyembre – DOTr

Hecy Brojan
122
Views

[post_view_count]

File photo

Inanunsyo ni Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) ang nakatakdang paghuli sa mga e-bike at e-trike sa mga pangunahing kalsada simula Disyembre 1.

Ito ay upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga motorista at masiguro ang patas na paggamit ng kalsada.

Sa budget deliberations ng ahensya ngayong Huwebes, Nobyembre 27, kinumpirma ni Senador JV Ejercito, na siyang budget sponsor, ang pangako ni LTO Chief Asec. Markus Lacanilao na manghuhuli at mang-i-impound na ng anumang e-bike o e-trike na lalabag sa patakaran o masasangkot sa aksidente.

“Huhulihin na po lahat ng e-trikes na nasa kalye,” ani Sen. Ejercito.

Suportado naman ito ni Senador Raffy Tulfo na iginiit na hindi patas sa mga tradisyunal na tricycle driver ang pag-operate ng e-bikes at e-trikes dahil hindi dumadaan sa parehong proseso ng franchise, registration, licensing, at insurance, ngunit gumagamit ng parehong kalsada.

“Ayan, mga e-bike, e-trike, December 1 huwag na muna kayong mamasada,” wika ni Sen. Tulfo.

Aniya, maaari lamang gamitin ang e-bikes at e-trikes sa loob ng subdivisions at barangays, ngunit hindi sa pangunahing kalsada o humahalo sa regular na trapiko.

Inatasan din ni Tulfo ang LTO na ipaalam agad ang kautusan sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng DILG (Department of the Interior and Local Government) upang maiwasan ang kalituhan sa mga rider.

“Siguro sa loob ng mga subdivision, why not? Pero once na humalo ka na sa regular traffic… huwag na silang pumunta don,” ani senador.

Sinabi naman ni Ejercito na makikipag-ugnayan ang DOTr at LTO sa DILG para simulan ang abiso sa mga LGU ngayong Biyernes, Nobyembre 28, at patuloy na magsasagawa ng pag-aaral at public consultation para sa long-term regulation ng e-bikes at e-trikes. –VC

Related Articles

National

Stephanie Sevillano, Philippine News Agency

138
Views