IBCTV13
www.ibctv13.com

E-Certificate Services, inilunsad ng PSA

Khengie Hallig
1024
Views

[post_view_count]

Mas ligtas at pinadali na ang aplikasyon at pagkuha ng civil registry documents mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) sa ilalim ng bagong PSA E-Certificate Service na inilunsad ngayong Miyerkules, Pebrero 25.

Sa tulong nito, makukuha na ang digital copy ng mahahalagang dokumento kabilang ang birth certificate, CeNoMar, death certificate, at iba pa.

Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, alinsunod ito sa pagsisikap ng pamahalaan na isulong ang digital transformation sa bansa.

“This service utilizes an advanced cryptographic safeguard. This will ensure that the issued civil registry document is impossible to forge or tamper with,” dagdag niya.

May kalakip na QR-based verification ang bawat E-certificate bilang karagdagang seguridad ng mga ito.

Ani Mapa, makatutulong ang nasabing feature upang matiyak na tunay ang mga dokumento sa pamamagitan ng real-time validation na maaaring isagawa sa mga E-certificates.

Bukod sa mas magaang pagkuha ng mga dokumento at mabisang transaksyon, binigyang-diin din ng ahensya ang malaking bahagi nito sa kalikasan dahil hindi na kailangan pang gumamit ng physical courier transport upang ihatid ang mga E-certificate.

Tiniyak naman ni Mapa sa publiko na ang E-certificates ay tunay at may kaparehas na legalidad sa pisikal na mga dokumento. – IP