
Ibinahagi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ngayong Lunes, Disyembre 15, ang ilang mga hakbangin na kasalukuyang ginagawa ng pamahalaan at economic managers upang solusyunan ang pagbaba ng halaga ng piso.
Ayon kay Castro, patuloy ang pagsisikap ng economic team na makakuha ng partisipasyon mula sa mga pribadong sektor upang tumaas ang domestic demand.
Tinitingnan ngayon na bawasan ang ilang regulasyon at proseso ng gobyerno na maaaring makaapekto sa pakikipag-ugnayan ng mga posibleng investor.
Sa halip na ipagpatuloy ang mga kasalukuyang regulasyon, maglulunsad ang pamahalaan ng mga bagong inisyatiba upang paigtingin ang investment opportunities sa mga pribadong sektor lalo na sa agrikultura.
Kaugnay nito, nagpapatuloy din ang imbestigasyon ng gobyerno hinggil sa iregularidad sa mga proyekto sa flood control at tiniyak na marami pa ang mga sangkot na maaaresto bago matapos ang 2025.
Bilang bahagi naman ng mas maayos na reporma, nais alisin ng pamahalaan ang infrastructure gap upang magbigay-daan sa pagpapalakas ng public at private partnerships, pagpapalawak ng fiscal regime para sa malawakang metallic mining, pagpapaigting ng Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA) para sa mas produktibong ekonomiya at direktang foreign investments, at iba pa.
Tinitingnan din ng pamahalaan ang mabilisang pagsasaayos ng mga imprastrakturang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad at tulungan ang mga komunidad na maibalik ang kanilang mga kabuhayan.
Ayon sa Palasyo, tinitiyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na may magandang aasahan pagdating sa pagpapataas muli ng halaga ng piso lalo’t kasalukuyang mababa ang inflation sa bansa ayon sa S&P Global.
Binigyang-diin din ng BSP ang nakuhang investment grade na ‘BBB+’ ng Pilipinas na nagpapakita ng high credit rating na posibleng maging daan upang mas dumami ang mga oportunidad para sa pamumuhunan sa bansa.











