Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Mayo 24 ang Republic Act 11996 o ang ‘Eddie Garcia Law’ na layong maprotektahan ang mga manggagawang nagtatrabaho sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Nabuo ang batas na kasunod ng pagkamatay ng beteranong aktor na si Eddie Garcia sa gitna ng shooting ng kanyang pelikula noong 2019.
Mandato ng bagong batas na i-ayon ang proteksyon ng mga nagtatrabaho sa larangan ng pelikula at telebisyon sa Labor Code of the Philippines o ang Presidential Decree 442, at sa Republic Act 11058 o ang “Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations” at iba pang kaugnay na mga batas.
Ang sinumang mapatutunayang lalabag sa batas ay pagmumultahin ng aabot sa P100,000 sa unang paglabag; P200,000 naman para sa ikalawang opensa; habang hanggang P500,000 naman ang multa para sa mga lalabag sa pangatlong beses o higit pa. -AL