IBCTV13
www.ibctv13.com

Employee’s Compensation Program, pinalawak para sa self-employed delivery rider at TNVS driver

751
Views

[post_view_count]

Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers. (File photo of PIA)

Maaari nang makinabang sa Employees’ Compensation (EC) Program ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ang mga delivery rider, ride-hailing driver, at Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver na nakarehistro bilang self-employed members ng Social Security System (SSS).

Ayon sa EEC, bahagi ito ng pagsisikap ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapalawak ang proteksyon at benepisyo para sa lahat ng manggagawang Pilipino, kabilang ang gig workers.

Sakop ng programa ang pagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawang nakararanas ng job-related sickness, accidental injury, at disability incurred habang ginagampanan ang kanilang trabaho. 

Nauna nang binigyang-diin ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino na mahalagang katuwang ang ECC sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na proteksyon at suporta sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Simula pa noong Setyembre 2020 nang opisyal na pinalawak ang saklaw ng EC Program sa lahat ng self-employed SSS members.

Dahil dito, kwalipikado nang tumanggap ng mga benepisyo ang mga independent worker at freelancer na katulad ng tinatanggap ng mga regular na empleyado sa pribado at pampublikong sektor.

Upang maging kwalipikado sa programa, kinakailangang nakapagbayad ang self-employed worker ng hindi bababa sa isang buwang kontribusyon sa SSS bago mangyari ang work-related na sakit, aksidente, o kapansanan.

Maaaring ihain ng mismong miyembro o ng kanyang pamilya ang EC claim sa SSS sa loob ng tatlong taon mula nang mangyari ang aksidente.

Gayunman, hindi ipagkakaloob ang benepisyo kung ang injury, karamdaman, kapansanan, o pagkamatay ay dulot ng pagkalasing, sinadyang pananakit o pagpapakamatay, o matinding kapabayaan ng manggagawa.

Kaugnay nito, hinikayat ng ECC ang lahat ng self-employed platform workers, kabilang ang mga gig worker, app-based contractor, delivery rider, at TNVS driver na rehistrado sa SSS, na alamin ang kanilang kwalipikasyon at samantalahin ang financial at medical benefits na inaalok ng EC Program..

Makikita ang kumpletong listahan ng mga kinakailangang dokumento sa website ng SSS (www.sss.gov.ph) at ECC (www.ecc.gov.ph).  – VC